BEIJING (Reuters) – Nagkabit ang China ng mga rocket launcher sa pinagtatalunang bahura sa South China Sea upang itaboy ang mga combat diver ng Vietnamese military, ayon sa pahayagan ng estado.
Sinabi ng China na ang military construction sa mga isla nakontrolado nito sa South China Sea ay limitado lamang sa mga kinakailangang defensive requirement, at maaari nitong gawin ang lahat ng kanyang nais sa kanyang sariling teritoryo.
Iniulat ng pahayagang Defense Times nitong Martes sa WeChat account nito na ikinabit ang Norinco CS/AR-1 55mm anti-frogman rocket launcher defense systems, na may kakayahang madiskubre, matukoy at umatake sa combat divers ng kalaban sa Fiery Cross Reef sa Spratly Islands.
Ang Fiery Cross Reef (Kagitingan Reef) ay pinamamahalaan ng China ngunit inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam at Taiwan.
Hindi nakasaad sa ulat kung kailan ipinuwesto ang defense system, ngunit sinabi na ito ay bahagi ng kanilang reaksiyon na nagsimula noong Mayo 2014, nang magkabit ang mga Vietnamese diver ng maraming fishing net sa Paracel Islands.