BALAYAN, Batangas - Patay ang isang operatiba ng Balayan Police habang sugatan naman ang anim na katao, kabilang ang tatlong menor de edad, matapos magkabarilan sa kainitan ng isang live band concert sa covered court ng Barangay Sampaga sa Balayan, Batangas, kahapon ng madaling araw.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Balayan Bayview Hospital and Medical Center si SPO1 Brian De Jesus, 33, kabilang sa Intelligence Unit ng Balayan Police.
Sugatan naman matapos tamaan ng ligaw na bala sina Adrian Pesigan, 19; Marvin Magahis, 15; Melvin Cordillera, 16; Alfred Allan Bolos, 38; Lloyd Vincent Baldrias, 13; at Lamberto Olazo, 47 anyos.
Ayon kay Balayan Police acting chief, Senior Insp. Allan De Castro, nagsasagawa ng intel operations si SPO1 De Jesus dahil sa impormasyong nasa concert ang mga miyembro ng isang grupo ng drug syndicate at gun-for-hire hanggang sa paputukan ng mga suspek ang pulis dakong 1:20 ng umaga.
May nakasaksi umano na sina Rodolfo Macalindong, alyas “Rojun”; at Francisco Arroyo, alyas “Barok”, kasama ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek, ang namaril sa concert.
Sa follow-up operations ng pulisya sa bahay ni Macalindong sa Bgy. Caybunga, nakasagupa umano ng mga pulis ang suspek subalit nakatakas bandang 2:30 ng umaga.
Nabaril naman sa paa at nagpapagaling ngayon sa Don Manuel Lopez Memorial District Hospital si Catrina Camil Hernandez.
Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan si Hernandez sa grupo ni Macalindong matapos siyang makuhanan umano ng isang pouch ng mga sachet ng hinihinalang shabu.
“Sabi niya (Hernandez) kaibigan siya ng ka-live-in ni Macalindong na hinihintay niya para magluto. Pero nakakapagtaka naman dahil madaling araw na ‘yun,” sabi ni Senior Insp. De Castro.
Ayon sa record ng pulisya, may warrant of arrest si Macalindong sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga, habang illegal possession of firearms naman ang kaso ni Arroyo na dinidinig sa korte sa Balayan. (Lyka Manalo)