Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DoLE) na hindi magdudulot ng permanente at malawakang pagkawala ng trabaho ang pagkakatupok ng pabrika sa Pampanga ng pinakamalaking kumpanya ng gulong sa Southeast Asia.
Batay sa paunang report ng DoLE-Region 3, sinabi ni Labor Undersecretary Bernard Olalia na tiniyak sa kagawaran ng pamunuan ng Yokohama Tire Philippines, Inc. (YTPI) na pananatilihin nito sa kumpanya ang mahigit 2,000 regular na empleyado sa planta nito sa Clark Free Port Zone.
“There will be only some who will be temporarily displaced until the company could have the full resumption of their operation,” sabi ni Olalia.
Aniya, inaalam pa ng DoLE-Region 3 ang aktuwal na bilang ng mga empleyado ng YTPI na pansamantalang mawawalan ng trabaho.
Natupok nitong Linggo ang malaking bahagi ng pabrika kaya naman napilitan ang kumpanya na magbawas ng manggagawa.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog, na nagsimula bandang 3:00 ng hapon at naapula dakong 6:00 ng gabi nitong Linggo.
Walang nasaktan o nasawi sa sunog, at sinabi ni Olalia na magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang DoLE-Region 3 upang mabatid kung tumatalima ang YTPI sa mga pangunahing panuntunan sa empleyo.
“We will check if they have any violation even if no worker was hurt...if there is, we may cancel (ang kanilang labor law compliance certificate),” ani Olalia. (Samuel P. Medenilla)