Ibinasura kahapon ng House Committee on Justice ang reklamong impeachment laban kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong ideklarang “insufficient in substance”.

Ang panel, na pinamumunuan ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, ay bumoto laban sa reklamong inihain ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano matapos na aminin ng huli na wala siyang “personal knowledge” sa mga akusasyong inihain niya laban sa Punong Ehekutibo, kabilang ang multiple murder bilang utak umano ng Davao Death Squad (DDS) noong ito pa ang alkalde ng Davao City, at pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman na aabot sa mahigit P2 bilyon.

Nagbotohan ang panel, na binubuo ng 42 miyembro, makaraang imungkahi nina Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon at Deputy Speaker at Cadiz Rep. Fredenil Castro ang pagbasura sa reklamong “hearsay-based”.

“If the committee will proceed hearing the complaint, we will be promoting hearsay evidence. We will be violating the very essence on what is the truth and right in any impeachment proceedings,” sabi ni Castro. “You cannot use falsity and hearsay in trying to remove someone from office. I move for the dismissal of the impeachment complaint.”

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sa pagdinig, inamin ni Alejano na wala siyang “personal knowledge” sa 1,424 na pagpatay ng DDS noong si Pangulong Duterte pa ang alkalde ng Davao City at ang tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman ng Punong Ehekutibo.

“I confirm that I am not the witness,” sabi ni Alejano, at iginiit na ang kanyang mga alegasyon ay “based on authentic records.”

“We will present the authenticated records at the proper time,” sabi pa niya.

Marso 16 nang nagsampa si Alejano sa Kamara ng 16 na pahinang complaint na naghahangad mapatalsik si Duterte sa limang grounds: culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, bribery, graft at high crimes.

Kaugnay nito, kinatigan naman ni Vice President Leni Robredo ang paniniwalan ng mayorya ng mga kongresista na hindi uusad ang impeachment complaint laban sa Presidente.

“I think it would not prosper in the sense impeachment is a political process. Our President is very popular,” sabi ni Robredo. “If it would be based on the statements from the members of the House of Representatives, it looks like it would only get little support.”

Ikinatuwa naman ng Malacañang ang pagkakabasura ng reklamong impeachment laban kay Duterte.

Kasabay nito, nilinaw ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hindi inimpluwensiyahan ng Pangulo ang desisyon ng Kamara.

“The President respects a co-equal branch of government and does not interfere in the political exercise. Neither is he beholden to any group and he remains focused on governance,” ani Abella.

(May ulat nina Raymund F. Antonio at Argyll Cyrus B. Geducos) (CHARISSA LUCI-ATIENZA)