PUNTIRYA ng Gilas Pilipinas ang ikaapat na sunod na panalo sa pakikipagtuos sa Thailand sa tampok na laro ngayong gabi sa pagbabalik aksiyon ng koponan matapos ang isang araw na pahinga sa 2017 SEABA Men’s Championship sa Araneta Coliseum.

Tatlong malalaking panalo ang ipinoste ng Gilas, pinakahuli kontra Malaysia noong nakaraang Linggo sa pangunguna ni Andray Blatche sa iskor na 106-51 sa larong inihandog nilang lahat sa kanilang mga nanay.

Ganap na 7:00 ng gabi ang pagtatapat ng dalawang koponan na nauna nang sinasabi na mag-aagawan sa titulo.

Gayunman, nabahiran na ito ng duda matapos makatikim ang Thai ng 59-60 kabiguan sa Indonesia.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ngunit, para kay coach Chot Reyes, higit na dapat silang maglaro ng husto kontra Thailand dahil tiyak aniyang babawi ang mga ito kasunod ng kabiguan sa kamay ng Indons.

Mauuna rito, mag -uunahang makapasok sa winner’s circle ang Myanmar at Singapore na kapwa natalo sa unang dalawa nilang laban sa pagtutuos nila ganap na 3:00 ng hapon.

Samantala, target ng Vietnam ang ikalawang sunod na tagumpay kasunod ng 77-44 na panalo kontra Myanmar sa pagsagupa sa Malaysia na hangad namang makaahon sa nalasap na unang tatlong dikit na kabiguan. (Marivic Awitan)