Para sa hangaring mabigyan ng kaukulang exposure ang University of the East women’s volleyball squad sa darating na UAAP Season 90, nagdesisyon ang may-ari ng Cherrylume na si Elmer Ngo na lumahok sa Philippine Super Liga.

Ayon kay Ngo, plano ng Cherrylume, isang kumpanya na namamahagi ng mga construction supplies sa bansa, na bigyan ng exposure ang mga manlalaro ng UE sa darating na All-Filipino Cup tournament ng PSL.

“At least, ‘yung mga bata, magkakaroon sila ng experience na makalaro ng commercial league,” ani Ngo sa panayam dito na naunang lumabas sa Spin.ph. “’Yung confidence level nila, medyo tataas. Kaya sabi ko sa coaching staff, baka puwedeng walang bangko, basta ilaro lahat.”

Ito ang unang pagkakataon na sasabak ang Cherrylume sa volleyball, ngunit matagal na itong sumusuporata sa UE teams sa men’s at women’s basketball na kamakailan lamang ay tumapos na pangalawa sa Rexona women’s basketball tournament.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Basta sa akin, nung nagsimula ako diyan, tulong sa eskwela ‘yun,” ayon pa kay Ngo.

Bubuuin ang Cherrylume women’s volleyball team nina Judith Abil, Lhara May Clavano, Mariella Gabarda, Mialyn Manabat, Juliet Catindig, Seth Rodriguez, Zilfa Geline Olarve, Jana Katrina Sta. Maria, Ma. Erika Lopez, Camille Victoria, Ramcel Joyce Santos, Laizah Ann Bendong,Dana Alyssa Disquitado at Mary Ann Mendrez.

Tatayong mentor ng koponan si Lerma Giron, habang si Melvin Reyes naman ang team manager.