Ni Marivic Awitan

Batang Gilas' Kai Sotto  (MB photos | Rio Leonelle Deluvio)
Batang Gilas' Kai Sotto (MB photos | Rio Leonelle Deluvio)
Mga laro ngayon (Araneta Coliseum)

10am – Thailand vs. Malaysia

12pm – Philippines vs. Indonesia

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Gaya ng ginawa ng national men’s team, sinimulan din ng Batang Gilas ang kanilang kampanya sa paglampaso sa Singapore, 108-42, sa pagbubukas ng kanilang kampanya sa 2017 SEABA Under-16 Championship sa Araneta Coliseum kahapon.

Nanguna para sa Batang Gilas ang higanteng si Kai Sotto na nagtala ng 17 puntos, 5 rebounds at 3 blocks off the bench, kasunod sina Rence Padrigao, na umiskor ng 14 puntos, 6 rebounds at 4 assists; at Terrence Fortea na tumapos ding may 14 puntos, 8 rebounds at 4 assists.

Ayon kay Batang Gilas coach Michael Oliver, kitang-kita ang pangangapa ng kanyang koponan sa una nilang laban, ngunit agad din silang nakabawi nang ituon ang laro sa depensa.

“Start natin ng game, medyo nangangapa ’yung mga bata. Fortunately, naka-recover tayo right away nung nag-focus sila sa defense,”pahayag ni Mike Oliver.

Sinimulan ng Batang Gilas ang laro sa pamamagitan ng 9-0 run at hindi na pinaporma ang mga Singaporean’s sa kabuuan ng laban hanggang sa matapos na mayroon silang 66 na kalamangan bilang pagpapatunay ng dominasyon ng bansa kahit sa juniors division ng regional meet.

Nanguna sa Singapore si Tor Lok Yao na nag-iisaang tumapos na may double digit, sa kanyang ipinosteng 10 puntos, 4 rebounds at 3 assists.

Sa unang laban, inungusan naman ng Malaysia ang Indonesia, 63-58.

Pinangunahan ni John Tang ang Malaysia sa una nitong panalo, sa kanyang iniskor na 23 puntos, 9 rebounds at 2 assists habang nag-ambag naman ang kakamping si Jason Khor ng 11 puntos at 7 rebounds.

Pinangunahan naman ni Darryl Sebastian ang Indonesia sa record na 12 puntos at 3 rebounds.