PARIS (AFP) – Kumita ng mahigit $270,000 ang subasta ng “love locks” mula sa mga tulay sa Paris upang lumikom ng pondo para sa mga refugee nitong Sabado.
Sa loob ng maraming taon, isinusulat ng mga magsing-irog ang kanilang mga pangalan sa mga padlock at ikinakabit ang mga ito sa barandilya ng tulay, pinakabantog ang Pont des Arts malapit sa Louvre, at inihahagis ang susi sa River Seine upang ipahayag ang kanilang walang hanggang pagmamahalan.
Ngunit simula 2015 ay hinuhuli na ng mga opisyal ang mga gumagawa nito matapos bumagsak ang isang bahagi ng Pont des Arts dahil sa bigat ng libu-libong kandado.
Daan-daang katao ang nakibahagi sa auction sa Credit Municipal de Paris kung saan 150 kumpol ng kandado ang isinubasta, kasama ang 15 pirasong parte ng orihinal na barandilya ng Pont des Arts.
Mapupunta ang mga kinita sa subasta sa tatlong samahan na kumakailanga sa mga immigrant sa lungsod – ang Solipam, Salvation Army at Emmaus Solidarite.