MULING pinaindak ng iba’t ibang grupo ng street dancers ang mga Dagupeño sa muling pagtatanghal ng Festivals of the North Streetdancing competition sa Dagupan City bilang bahagi ng taunang selebrasyon ng Bangus Festival.
Sampung kalahok mula sa mga karatig-bayan at probinsiya ng Pangasinan ang nagpaligsahan ng kani-kanilang makukulay na kasuotan, galaw at props.
Nilibot ng mga kalahok ang mga pangunahing kalsada ng siyudad sa harap ng libu-libong taong nanghihiyawan para sa kani-kanilang mga pambato hanggang sa huling pagtatanghal ng bawat grupo sa plaza ng siyudad.
Tinanghal na pinakamahusay ang pagtatanghal ng Tribu Pandan ng Pandan Festival mula sa bayan ng Mapandan, Pangasinan. Kinopo rin ng grupo ang best in costume, best in props at best in street dancing.
Umabot sa halos kalahating milyon piso ang premyong iniuwi ng Tribu Pandan.
Nasungkit naman ng dating kampeon na Bangus Festival ng Dagupan City ang pangalawang puwesto.
Ang lumahok sa unang pagkakataon na Tinungbo Festival ng Pogo, La Union naman ang sumungkit sa ikatlong puwesto.
Ang Basi Festival ng Naguillan, La Union ang pumang-apat, Mango Festival ng Masinloc, Zambales ang 5th at nagpantay naman sa pang-anim na puwesto ang Pumulinawen Festival ng Laoag City, Halamanan Festival ng Guiguinto, Bulacan at Talong Festival ng Villasis, Pangasinan. (JOJO RIÑOZA)
[gallery ids="243380,243379,243378,243377,243372,243373,243374,243375,243376,243371"]