SEOUL, South Korea (AP) — Nagpakawala ang North Korea kahapon ng ballistic missile na lumipad ng kalahating oras at napakataas ang inabot bago bumagsak sa Sea of Japan, sinabi ng mga militar ng South Korea, Japan at United States. Itinuturing ito na direktang hamon sa bagong pangulo ng South at naganap habang nagsasagawa ng joint war games sa Pacific ang mga hukbong pandagat ng U.S., Japanese at European.
Hindi pa malinaw kung anong uri ng ballistic missile ang pinakawalan, ang pampito ngayong taon, ngunit sinabi ng U.S. Pacific Command na “the flight is not consistent with an intercontinental ballistic missile.” Ayon naman sa Japanese officials, lumipad ang missile ng halos 30 minuto, umabot sa layong 800 kilometro at taas na 2,000 km —nagpapahiwatig na ito ay isang bagong uri ng missile.
Sinabi ni David Wright, co-director ng Global Security Program sa Union of Concerned Scientists, maaaring ito ay isang bagong mobile, two-stage liquid-fueled missile na ipinakita ng North Korea sa military parade noong Abril 15.
Sa emergency national security meeting, kinondena ni bagong South Korean President Moon Jae-in ang missile launch ng Pyongyang na isang malinaw na paglabag sa mga resolusyon ng U.N. Security Council at seryosong hamon sa kapayapaan at seguridad ng mundo.