Sabay bumulagta ang magkaibigang pulis nang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay San Jose sa Antipolo City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina PO2 Roberto Reganit, na nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Rizal Police Provincial Office, at PO2 Ernesto Turalba, Jr., ng Baras Municipal Police Station.
Sa ulat ng Antipolo City Police, dakong 8:00 ng gabi, magkaangkas sa motorsiklo ang mga biktima at pagsapit sa Zigzag Road sa Bgy. San Jose ay biglang pinagbabaril ng mga suspek na magkaangkas din sa hindi naplakahang motorsiklo.
Dead on the spot si Turalba habang naisugod pa sa ospital si Reganit ngunit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas.
Base sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na posibleng may kinalaman sa trabaho ang motibo sa pamamaril.
Inaalam na ang pagkakakilanlan ng mga suspek. (Mary Ann Santiago)