Si dating House Speaker Jose de Venecia ang itinalagang Special Envoy for Inter-Cultural Dialogue bilang pagkilala sa kanyang ginampanan sa pagpapalaganap ng inter-cultural at inter-faith dialogue sa loob ng maraming taon.
Kinumpirma ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) matapos ihayag ng Malacañang ang pagkakatalaga kay De Venecia kahapon.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesperson Robespierre Bolivar, ang dating Speaker ay maglilingkod hanggang sa Setyembre 2017.
Sinabi ni Bolivar na bilang Special Envoy, kabilang sa tungkulin ni De Venecia ang pagpapayo sa pamahalaan kaugnay ng inter-cultural dialogue issues.
Si De Venecia ang founding chairman ng standing committee ng International Conference of Political Parties (ICAPP), nagtatag ng Asian Parliamentary Assembly (APA), at co-chairman ng International Association of Parliamentarians for Peace (IAPP).
Nagsilbi rin siyang kinatawan sa Kamara ng ikaapat ng distrito ng Pangasinan sa loob ng anim na termino at House Speaker noong 1992-1998, at 2001-2008. (Roy Mabasa)