JODI copy

ANG ganda-ganda ni Jodi Sta. Maria sa presscon ng Dear Other Self sa Restaurant 9501 ng ABS-CBN at hindi siya nalalayo sa edad niyang 34 years old sa leading men niyang sina Xian Lim at Joseph Marco.

Gandang-ganda at nababaitan sa kanya si Joseph.

“Sana nga mabigyan ako ng chance na maka-work siya (uli) kasi para kaming naglaro, ‘pag katrabaho si Jodi, walang pressure, she makes you feel comfortable and ang daldal niya, ang sarap niyang kakuwentuhan, she’s very nice,” kuwento ng aktor.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sayang nga lang at hindi na namin nakausap pagkatapos ng Q and A si Joseph kaya hindi na namin nakuha ang iba pa niyang masasabi tungkol sa aktres.

Puring-puri naman ni Jodi sina Xian at Joseph.

“Mas bata nga sila kaysa sa akin, pero ‘yung level of maturity naman ng dalawang lalaking ito ay hindi naman nalalayo sa akin,” sabi niya. “Hindi ko kailangang mag-adjust sa kanila, sobrang blessing nga kasi pinadali nila ang buhay ko.

Dumarating sila sa set na alam na nila ang gagawin nila, and I think professionalism is very important, nasa kanila ‘yung qualities na ‘yun.”

At nadulas ang aktres na may tagisan daw ng abs sa pelikula sina Xian at Joseph.

“’Yun ang abangan n’yo, may tagisan ng abs.”

Sino kina Xian at Joseph ang may mas magandang abs?

“Wala namang malisya, may mga bagay na kailangan mo lang gawin para sa eksena, hindi ko na-appreciate ‘yung mga pandesal (abs), pero na-appreciate ko ‘yung process kung paano nila nakuha ‘yung pandesal, it takes a lot of determination and time to keep your body fit,” napapangiting sagot ni Jodi.

Samantala, kung bawat artista ay may paboritong bansang pinupuntahan para mamasyal at mag-shopping, hindi uso ang ganito kay Jodi.

“Wala akong favorite place na puntahan kasi bawat bansa na puntahan ko, iba-iba ‘yung ino-offer nila, iba-ibang kultura, iba-ibang mga tao, so wala akong paborito.

“Hindi ko rin masyadong nai-enjoy ang shopping, ‘yung mga taong nakakakilala talaga sa akin, alam nila na when I go out of the country, talagang ini-skip ko ‘yung shopping part. Mas gusto kong ma-immerse ‘yung mga buhay ng mga tao ro’n, ‘yung kultura nila, ‘yung history nila at kahit naman dito, hindi ako (mahilig mag-shopping),” kuwento ng aktres.

Ang My Other Self ay kuwento tungkol sa babaeng nakipagsapalaran sa ibang bansa dahil sa responsibilidad at naiba ang buhay nang makilala sina Henry (Xian) at Chris (Joseph) na magkaiba ang personalidad.

Mapapanood ang My Other Self simula Mayo 17, mula sa script ni Jinky Laurel at sa direksiyon ni Veronica Velasco under Star Cinema. (REGGEE BONOAN)