Isasalang sa matinding pagbubusisi ang human rights record ng Pilipinas sa susunod na linggo sa pagsisimula ng imbestigasyon ng United Nations sa mga isyu ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa, kabilang ang kampanya kontra droga, extrajudicial killings at panghihikayat ng pagpatay sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ang pagsusuri ay isasagawa ng UN Human Rights Council’s Universal Periodic Review (UPR) Working Group sa Lunes.

Ito na ang ikatlong pagkakataon na rerepasuhin ng UPR Working Group ang human rights record ng Pilipinas. Ang una at pangalawang UPR review sa bansa ay isinagawa noong Abril 2008 at Mayo 2012.

Isa lamang ang Pilipinas sa 14 na UN Member States na iimbestigahan ng UPR Working Group sa idinaraos na sesyon mula Mayo 1 hanggang 12 na pagsisimula ng ikatlong UPR cycle.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang mga dokumento na pagbabatayan ng mga review ay ang impormasyong ipinagkaloob ng gobyerno ng Pilipinas; impormasyong nakapaloob sa mga ulat ng independent human rights experts at grupo, kilala bilang Special Procedures, human rights treaty bodies, at iba pang UN entities; at impormasyon na ibinigay ng iba pang stakeholders kabilang ang national human rights institutions, regional organizations at civil society groups.

Ang Philippine delegation sa UPR review ay pamumunuan ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra.

Magsisilbing rapporteur (“troika”) sa review ng Pilipinas ang mga kinatawan mula Kenya, Paraguay at Switzerland.

Nakatakdang pagtitibayin ng UPR Working Group ang mga rekomendasyon para sa Pilipinas sa Mayo 11.

Ang UPR ay isang natatanging proseso na kinabibilangan ng periodic review ng human rights records ng lahat ng 193 UN Member States. (ROY C. MABASA)