Ni MARY ANN SANTIAGO
Iminungkahi ng isang obispo ng Simbahang Katoliko sa pamahalaan na gawing regular ang pagdaraos ng mga job fair sa bansa, at hindi iyong tuwing Labor Day lamang.
Ang pahayag ni Balanga Bishop Ruperto Santos ay kasunod ng kaliwa’t kanang job fair na idinaraos sa iba’t ibang dako ng bansa kahapon, bilang bahagi ng selebrasyon ng Labor Day.
Ayon kay Santos, kung magiging regular at mas accessible ang mga job fair ay tiyak na tuluyan nang mababawasan ang mga walang hanapbuhay sa bansa.
Pinaalalahanan din niya ang pamahalaan na tungkulin nitong lumikha ng trabaho para sa mamamayan upang magkaroon ng pagkakakitaan at nang hindi na kailanganin pang sa ibayong dagat maghanap ng oportunidad, o kaya naman ay kumapit sa patalim upang may maipakain lamang sa pamilya.
Kahapon, libu-libong trabaho ang iniaalok ng daan-daang kumpanya sa iba’t ibang job fair sa bansa.
Umaasa naman si Santos na ang mga naturang trabaho ay matatag at patas upang tunay na makatulong sa mamamayan.