Nangako ang Philippine National Police (PNP) kahapon na hindi nito lulubayan ang paglansag sa illegal gambling operations sa bansa, bilang tugon sa hamon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pulisya na huwag makuntento sa maliliit na isda sa illegal numbers game.

Sinabi ng tagapagsalita ng PNP na si Chief Supt. Dionardo Carlos na nakikipagtulungan sila sa PCSO hindi lamang sa paglansag sa jueteng operations at sa iba pang uri ng illegal numbers games kundi maging sa pagpapalawak ng legal na Small Town Lottery (STL) system.

“We are working closely together. The effort of the PNP against illegal gambling also helped boost the sale of STL,” sabi ni Carlos.

Napag-alaman na sa unang tatlong buwan pa lamang ng 2017, ang STL ay kumabig na ng P2.88 bilyon mula sa 26 na operational Authorized Agent Corporations. Ang kinitang ito ay mas mataas ng 130% kumpara sa P1.2 bilyon na STL sales sa kaparehong panahon noong 2016.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sinabi ni Carlos na ang agresibong information drive at pakikipagtulungan ng PCSO sa iba’t ibang ahensiya upang malansag ang illegal numbers game ay sineseryoso ng PNP, ayon na rin sa memorandum of agreement na nilagdaan ng PCSO at ng pulisya.

Simula Pebrero 3 hanggang Abril 24 ngayong taon halimbawa, sinabi ni Carlos na makikita sa kanilang datos na mahigit 7,000 katao na ang naaresto samantalang umaabot na sa P3 milyon ang nakukumpiska sa anti-gambling operations sa buong kapuluan.

Nauna rito, hinamon ni PCSO General Manager Alexander Balutan ang PNP na paigtingin ang paghihigpit laban sa lahat ng uri ng illegal gambling at arestuhin ang big-time operators. (Aaron Recuenco)