Binigyang-diin ni Vice President Ma. Leonor “Leni” Robredo ang responsableng paggamit sa kalayaan sa pamamahayag ngayong nakaaalarma ang pagkalaganap ng fake news at misinformation sa Internet.

Sinabi ni Robredo, na biktima rin ng online attacks, na nagkakaroon ng mga bagong isyu sa kalayaan sa pagpapahayag sa paglaganap ng social media.

“Tayo kasi parati tayo doon sa freedom of expression. Tingin natin dapat minimum ang intervention ng State pagdating doon. Ang pinakamahirap lang dito sa freedom of expression, ngayong mayroon nang…marami na iyong social media,” sabi niya.

Binanggit ng dating housing chief ang kawalan ng pananagutan ng mga gumagamit ng social media.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Kasi ‘yung demands na parang walang accountability, walang accountability ang nasa social media,” sabi ni Robredo.

Tinutukoy ng Bise Presidente ang ilang personalidad na hindi gumagamit ng tunay na pangalan sa pagpapalaganap ng kasinungalingan, propaganda at misinformation sa social media.

Simula nang umupo sa tungkulin noong nakaraang taon ay naging biktima na si Robredo ng hoax news at walang katotohanang mga tsismis online.

Kabilang sa mga ito ang espekulasyon na buntis daw siya, ang kanyang diumano’y kaugnayan sa mga grupong nais magpatalsik kay Pangulong Duterte, at siya raw ay ikinasal na sa ibang lalaki bago pa man sila ikinasal ng kanyang yumaong asawa na si Interior Secretary Jesse Robredo, at maraming iba pa.

Pinabulaanan niya ang lahat ng fake news na ikinakalat sa social media.

“Iyong traditional media, bounded by code of ethics, maraming responsibilidad na dini-demand galing sa kanila pero itong social media mahirap,” sabi niya. “Kaya ito in general, tayo all for minimum government intervention sa freedom of expression.”