SAN JOSE, Antique -- Patuloy sa pamamayagpag ang mga atleta ng National Capital Region (NCR) sa elementary at secondary level sa ikaanim na araw ng kompetisyon sa 60thPalarong Pambansa dito.

Tangan ng Manila bet ang tig-23 gintong medalya. May siyam na silver at walong bronze (elementary) at 17 silver at siyam na bronze (high school).

Buhat sa gymnastics na pormal ng nagtapos kahapon ang mina ng ginto ng NCR delegation, gayundin sa swimming na nagsimula nitong Martes sa Binirayan Sports Complex pool kung saan humakot sila ng pito buhat sa unang 17 gold medal na pinaglabanan.

Pinangunahan ni Sacho Ilustre at Jerald Jacinto ang nasabing paghakot ng NCR tankers sa swimming matapos manguna ni Jacinto sa secondary boys 13-17 100 meter breastroke kung saan nagtala siya ng bagong meet record na 59.64 segundo para lagpasan ang sarili niyang record na 1:00:18 na siya rin ang nagtala noong nakaraang taon.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang isa pang gold ni Jacinto ay galing sa team kung saan nagtrangko siya sa kanilang 200 meter medley relay sa isang record breaking performance na 1:52:65 na bumura sa nakaraang record na 1:54:08 na itinala din ng NCR sa nakalipas na taon.

Isa ring record ang naitala ni Ilustre nang angkinin niya ang gold sa secondary boys 200 meter butterfly matapos maorasan ng 2:04:88 na bumura sa dating record na 2:07:28 na siya rin ang nagtala noong isang taon sa Bicol Palaro.

Galing naman ang isa pa niyang gold sa 400 meter freestyle.

Ang iba pang NCR gold medal winner sa unang araw ng swimming event ay sina Nicole Pamintuan sa secondary girls 100 meter backstroke, (1:07:61), Althea Baluyut sa secondary girls 200 meter butterfly (2:26:91), at ang kanilang secondary girls 200 meter relay team kung saan kabilang din si Pamintuan sa record breaking performance na 2:07:13.

Winalis din ng NCR ang lahat ng sampung gold medals sa elementary girls artistics gymnastics Cluster 1 at 2 sa pangunguna nina Anya Mikhel Ferraren na inangkin lahat ng limang gold medals sa floor exercise, balance beam, vault, single bar at individual all-around ng Cluster 1 at Lucia Gabrielle Gutierrez na inangkin ang apat sa limang gold medals ng NCR sa Cluster 2 na kinabibilangan ng floor exercise, balance beam, single bar at individual all-around.

Napunta naman sa kanyang kakamping si Jasmine Jane Velasquez ang gold sa vault.

Sa secondary level, pinangunahan naman ni Hannah Lalaine Perez ang pagwalis nila sa apat na gold medals mula sa vault, single bar, individual all-around at team.

Bumubuntot sa NCR sa medal tally ng elementary level ang host regionWestern Visayas na may anim na guinto, apat na silver at anim na bronze medal, kasunod ang Cordillera Adminitsrative Region na may 6-1-1, Negros Island Region na may 5-4-3 at Region 5 o Bicol Region na may 4-4-8.

Sa secondary level, magkakadikit din ang nasa likuran ng NCR na Northern Mindanao, 6-3-5, Eastern Visayas, 6-2-5, Central Visayas, 5-4-7 at Western Visayas,5-3-4.

Sa iba pang event, pinaghatian ng Central Visayas at ng Region 4-A Calabarzon ang unang nakatayang dalawang gold medals sa boys team tie at girls team tie, ayon sa pagkakasunod.

Sa taekwondo, inangkin ng Cordillera Administrative Region ang lima sa unang pitong gold medalya na nakataya sa pangunguna ni Ivan Gabriel Inacay na nagwagi sa elementary boys poomsae individual A boys at mix pair katambal si Khyla Kreanzzel Guinto, Rain Ramon sa Individual girls B, Kayle Dreyshanne Bulwayan at Camille Faith Revelina Calaycay sa group girls at sina Joshua Aaron Erece, Mozart Rhyme Adviento at Adrian Yadao sa group boys.

Sa billiards, naghati ang Negros Island Region at Region 9 sa unang dalawang gold medals nang makopo ng una ang gold sa girls 8-ball sa pamamagitan ni Carmille Buhat habang hinablot naman ng huli ang gold sa boys sa pamamagitan ni Romel John Antaran.

Samantala sa archery, apat na rehiyon naman ang naghati sa unang apat na gold medal na kinabibilangan ng CAR, Negros Island, Central Luzon at Ilocos Region.

Nagwagi ng gold para sa CAR si Charmaine Angela Villamor sa secondary girls 40 meter, habang si Ma. Ferimi Gleam Bajado naman para sa NIR sa 30 meters.

Inangkin naman ni Jared Cole Sua ang gold para sa Region 1 sa secondary boys 50 meters at si Bryan Amir Stevenson Eugenio naman para sa Central Luzon o Region III sa 30 meters.

Sa kabila ng bahagyang pagbaba ng alinsangang nararamdaman dito sa main venue sa Binirayan Sports Complex dulot ng malakas na pag-ulan noong Martes ng hapon, matumal pa rin ang pagbasag sa mga existing meet records partikular sa athletics na nananatiling dalawa pa rin sa pagtatapos ng mga pang-umagang event kahapon.

Nanatili pa rin ang 19 na taong record sa secondary boys 5000 meters na naitala ni Cresencio Cabal ng dating Southern Mindanao Region na 15:3840 matapos magtala lamang ng tiyempong 16:00:73 ng gold medal wiiner na si Germar Marcelo ng Region 11.

Malayo rin sa existing Palaro record na 15.01 meters ang naitalang 14.57 meters ni Algin Gomez ng Region 2 naka-gold sa secondary boys triple jump.

Kinapos naman ng kaunti ang pambato ng CLRAA na si Ed Delina na umabot ng 41.31 meter para lagpasan ang dating record na 41.62 meter sa secondary boys discuss throw.

Hindi rin umabot sa dating record na 5.66 meter ang talon na naitala ni Elvy Villagoniza, gold medal winner sa secondary girls long jump na 5.63 meter.

Matibay pa rin ang 23-taong record na hawak ni Rochelle Jabrica ng NCR na 1:00.5 sa secondary girls 400 meter hurdles dahil hindi ito nabura ng gold medallist na si Riza Jane Vallente ng Central Visayas na naorasan ng 1:03.10

Gayundin ang pitong taong record ni Patrick Unso ng NCR na 54.1 matapos makapagtala ng tiyempong 54.16 ang gold medal winner na si Marjun Sulleza ng Region 12 sa boys division.

Nadomina rin sa pagsisimula ng table tennis competition ang NCR nang angkinin nito ang tatlo sa apat na nakatayang gold medals sa team event kung saan siningitan sila ng Region 4-A Calabarzon sa elementary girls. (Marivic Awitan)