INILIPAT sa bagong petsa ang nakatakdang ‘Clash of Heroes’ volleyball fund-raising game na inorganisa ng PSC-POC Media Group at Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI).
Mula sa dating petsa na Abril 28, iniurong ito sa Mayo 15 sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.
Ayon sa organizer, nagdesisyon na ipagpaliban ang laban para bigyan daan ang hosting ng ASEAN meeting, gayundin para mabigyan ng sapat na pahinga ang ilang miyembro ng National Team na kabilang sa do-or-die game ng Far Eastern U at National U sa men’s division ng UAAP at ang championship match ng La Salle at Ateneo sa women’s side.
Isang fund-raising project ang Clash of Heroes na inaasahang makakatulong para sa pagtustos sa balak nilang foreign training at exposure ng national men’s at women’s volleyball teams.
Kabilang sa mga manlalarong sasabak sa UAAP finals ay sina FIVB Women’s Club World Championship veteran Kim Fajardo, Philippine Superliga (PSL) Most Valuable Player (MVP) Dawn Macandili at Kim Kianna Dy ng La Salle at sina Kat Tolentino at Maddie Madayag ng Ateneo.
Kasama naman sa women’s pool na ginagabayan ni coach Francis Vicente sina dating Ateneo superstar Alyssa Valdez, Rachel Anne Daquis, Jovelyn Gonzaga, Aiza Maizo-Pontillas, Rhea Dimaculangan, Jaja Santiago, Aby Marano at Mika Reyes.
Para naman sa kalalakihan, nangunguna sa pool na nasa ilalim ni coach Sammy Acaylar sina National Collegiate Athletic Association (NCAA) MVP Johnvic de Guzman at mga dating national team members Peter Torres, Ran Abdilla at Mark Alfafara.
Sa lahat ng mga gustong manood at makatulong, mabibili ang mga tiket para sa nasabing fund-raising event na nagkakahalaga ng P200 (lower box) at P100 (upper box) sa media center ng Rizal Memorial Sports Complex.
(Marivic Awitan)