Mahigit 200 piraso ng ilegal na commemorative plate ang nakumpiska ng mga tauhan Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa entrapment operation sa Caloocan City.

Ayon kay Director Roel Obusan, hepe ng CIDG, nakalapat sa mga nakumpiskang plaka ang selyo ng Office of the President at mayroon ding larawan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa.

“This operation was based on the complaint of a person who was supposed to order it but informed us about it when the complainant was told that those items are illegal,” ayon kay Obusan.

Kinilala ni Obusan ang suspek na si Salvador Macabalitao, 59, na nadakma sa entrapment operation kung saan nakatakda sana niyang i-deliver ang 100 pirasong commemorative plate.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Nasa kabuuang 203 commemorative plate ang nakuha mula kay Macabalitao at isang pekeng tsapa ni Dela Rosa.

Nakakuha rin ng isang tollway police badge, isa pang tsapa, isang pressing machine, isang mug pressing machine, isang sobre na naglalaman ng pera at van na ginagamit ng suspek sa pagdi-deliver ng commemorative plates.

Nakatakdang sampahan ng katakut-takot na kaso si Macabalitao na kasalukuyang nakakulong sa CIDG office sa Camp Crame sa Quezon City. (AARON RECUENCO)