Mahigit 150 katao na dating miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang muling isasalang sa matinding pagsasanay bago tuluyang ibalik sa serbisyo.

Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada, sinalang mabuti ang bawat trainee upang matiyak na pawang kuwalipikado lamang ang muling makapapasok sa traffic unit ng lungsod.

“Isa sa mga requirement ay dapat college level kasi bumubuo tayo ng bagong traffic force na binubuo ng mga tapat at propesyonal na mga traffic enforcers,” diin ng alkalde.

Ang nasabing bilang ay pangalawang batch ng mga dating MTPB enforcer na nakatakdang sumailalim sa retraining. Ang unang batch ay binubuo ng 82 enforcer na sinanay nitong Enero.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Bahagi sila ng 690 traffic enforcer ng MTPB na sinibak ni Estrada noong Nobyembre dahil sa pagkakasangkot sa pangongotong at ilan pang ilegal na aktibidad.

Marami sa kanila ang hindi na pinayagang makabalik habang ang iba naman ay sumailalim sa matinding pagsasala bago pinayagang makapag-apply.

Ayon kay MTPB chief Dennis Alcoreza, may 62 nang trainee na napili at ang ilan sa kanila ay baguhan.

Ang 15 araw na extensive retraining course ay pinamumunuan ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU). (Mary Ann Santiago)