ANTIQUE -- Kumpirmado ang pagdating ni Pangulong Duterte para pangunahan ang opening ceremony ng 2017 Palarong Pambansa ngayon sa Binirayan Sports Complex sa lungsod ng San Jose.
Kinumpirma mismo ni Department of Education Assistant Secretary Tonisito Umali ang pagdalo ng Pangulo sa ginanap na media briefing kahapon.
“It will be a historic opening rites for this year, kasi tiningnan namin ang history ng Palaro and it will be the first time that a president will grace the Palaro opening right after he took office, “ pahayag ni Umali.
“Patunay lamang ito ng kanyang commitment to Philippine sports because just like us in DepEd he believed that this is not just the holistic development of a child but a possible creation of a blueprint on creating a future champion, “ aniya.
“It’s a testimony of his total support for Palaro and sports development in the country kasi naniniwala siya through sports malalayo ang mga bata sa illegal drugs.”
Bukod sa pangulong Duterte, inaasahan din ang pagdalo ng ilang mga Senator at Kongresista at ang buong pamunuan ng Philippine Sports Commission sa pangunguna ni chairman William “Butch” Ramirez.
Kaugnay naman ng programa ng pagbubukas ng Palatine, kumpara sa nakagawiang parada ng mga atleta na kumakatawan sa 18 rehiyon ng bansa , magkakaroon ng sabayang pagpasok ng dalawang rehiyon sa grandstand matapos hatiin ang mga ito sa dalawang grupo upang mas mabawasan ang oras ng ipaghihintay ng mga bata.
Magkakaroon din ng aerial exhibition ang mga miyembro ng Philippine Air Force na kinabibilangan ng sky diving at fly-by ng kanilang mga jets bukod pa sa pagsasabog ng confetti ayon naman kay Atty. Arturo Lastimoso, chairman ng local organizing committee.
Tampok naman sa tradisyunal na palabas na inihanda ng host na magsisilbing panimula ng kanilang pagdiriwang ng “Tiring Banay Festival” na nangangahulugan ng pagkakaisa ng mga Antiqueńo ang presentasyon ng tatlong demonstration sports na isasagawa ngayong taon sa Palaro na kinabibilangan ng aerobics gymnastics, dance sports at pencak silat. (Marivic Awitan)