KABUUANG 900 Special Education (SPED) athletes ang inaasahang sasabak sa Special (Para) Games sa 2017 Palarong Pambansa na nakatakdang idaos sa San Jose de Buenavista, Antique, upang patunayang hindi hadlang ang kanilang kapansanan upang ipakita ang kanilang mga kakayahan sa larangan ng palakasan.

Nabatid na kabilang sa mga special games ay athletics, goal ball, bocce, at swimming, na lalahukan ng mga student-athletes na may intellectual disability (ID), visually impaired (VI) at orthopedically handicapped/amputee (OH), at pawang naka-enroll sa SPED classes sa mga public at private schools para sa school year (SY) 2016-2017.

Bawat rehiyon ay pinapayagang magpadala ng maximum na 55 delegates, na binubuo ng mga atleta at mga coach.

Ang Palaro ngayong taon aymagsisimula ngayon na may temang “2017 Palarong Pambansa: Converges Youth Power, Builds Sustainable Future.”

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Tonisito Umali, Secretary-General ng Palarong Pambansa, simula pa noong unang linggo ng Abril ay nagsimula nang magdatingan sa lalawigan ang mga student-athletes at kanilang mga coach na kalahok sa Palaro.

Bukod sa mga SPED athletes, inaasahan ng DepEd na may 12,000 pang delegado mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ang lalahok sa Palaro.

Ang bawat delegasyon sa bawat rehiyon ay binubuo ng mga athletes, Physical Education teachers at coaches, trainers, local government units (LGUs), mga kinatawan, magulang, gayundin ang mga opisyal ng DepEd sa central, division, and regional offices nito.

Inaasahang makakasama ni Education Secretary Leonor Magtolis Briones sa opening ceremony si Pangulong Rodrigo Duterte. (Mary Ann Santiago)