Hindi natutuwa ang Malacañang na nakasama ni Pangulong Duterte ang pinakamatindi niyang kritiko na si Senator Leila de Lima sa listahan ng 100 Most Influential People of 2017 ng TIME magazine.
Giit ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, bigo ang international magazine na bigyang-diin na nakakulong ngayon si De Lima dahil nililitis ito sa pagkakasangkot sa droga.
“In the case of Sen. De Lima, TIME conveniently failed to clarify that she was jailed not for her criticisms against the administration but because an independent court found probable cause in support of the criminal charges against her for alleged violation of the law on illegal drugs,” ani Abella.
Kabilang si Duterte sa Time honorees sa ilalim ng klasipikasyong “Leaders”, ngunit ang malaking bahagi ng profile niya na isinulat ni dating Colombian President Cèsar Gaviria ay tungkol sa brutal na kampanya niya laban sa droga.
Si De Lima naman ay napabilang sa “Icons”. Ang matinding pagtutol ng senadora sa drug war ni Duterte ang binigyang-diin sa profile niya na isinulat naman ng dating US Ambassador to the UN.
Sa kanyang panig, labis naman ang pasasalamat ni De Lima sa pagkakasama niya sa listahan ng pinakamaiimpluwensiyang personalidad sa mundo ngayong taon.
“I am deeply humbled for being recognized by Time magazine as an Icon among their 100 Most Influential People in the world,” saad sa pahayag ni De Lima.
Kabilang din ang senadora sa mga nagwagi sa online poll ng mga mambabasa ng TIME, na pinangunahan ni Duterte.
(Genalyn D. Kabiling at Hannah L. Torregoza)