26 puntos na bentahe ng Pacers, binura ni James at Cavaliers; Bucks, rumesbak.
INDIANAPOLIS (AP) — Wala man ang suporta at pagbubunyi ng crowd, matikas na bumalikwas sa hukay ng kabiguan ang Cleveland Cavaliers para burahin ang 26 puntos na bentahe at maitakas ang 119-114 panalo kontra sa host Indiana Pacers sa Game 3 ng kanilang Eastern Conference first round playoff series nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Nagsalansan ang four-time MVP Lebron James ng 41 puntos, 13 rebound at 12 assist para pangunahan ang Cavaliers sa NBA postseason record na panalo sa pinakamalaking bentaheng hinabol para sa dominanteng 3-0 bentahe sa kanilang best-of-seven series.
Magagawa ng Cavs na mawalis ang serye sa Game 4 sa Linggo (Lunes sa Manila).
Nilagpasan din ni James si Kobe Bryant sa No. 3 sa NBA career playoff scoring list at napantayan ang record na 20 sunod na panalo sa first round series. Naitala ni James ang 5,669 puntos sa playoff kumpara kay Bryant (5,6400).
Ang matikas na panalo ay nagbasura sa impresibong laro ni Indiana star Paul George na kumana ng 36 puntos at playoff career-high 15 rebound at siyam na assist.
“We knew we had to take (some) punches, but it was a flurry, more than we expected,” pahayag ni James. “At halftime, I was just looking at the guys and telling them ‘Let’s get a couple stops.’”
Sa record ng NBA, ito ang pinakamalaking bentahe na nalagpasan sa kasaysayan ng playoff mula nang mabasura ng Baltimore ang 21 puntos na bentahe ng Philadelphia noong 1948.
“I just try to put myself in position to help my teammates win — no matter who’s on the floor with me,” James said.
“I just don’t settle for being not as great as I can be. The only thing that matters is (winning) — that’s what I’m here for.”
BUCKS 104, RAPTORS 77
Sa Milwaukee, ginapi ng Bucks, sa pangunguna ni Khris Middleton na kumana ng 20 puntos, ang Toronto Raptors para sa 2-1 bentahe sa kanilang first-round Eastern Conference playoff series.
Hataw din si Greg Monroe sa nakubrang 16 puntos at pitong rebound, habang tumipa si All-Star ‘Greek Freak’ Giannis Antetokounmpo ng 19 puntos at walong board.
Host uli ang Bucks sa Game 4 sa Sabado (Linggo sa Manila) sa Bradley Center.
Tangan ang slogan na ‘Fear the Deer’, buhay na buhay ang kumpiyansa ng Bucks at hindi pinaporma ang Raptors star na sina Kayle Lowry at DeRozan para muling agawin ang momentum.