BILANG paunang salita, kailangan matuto na tayo sa mga naging aral sa WPS (West Philippine Sea). Hindi dapat maulit ang ating sariling kapabayaan sa mayayamang karagatan ng Benham Rise o “Philippine Ridge.” Tumpak ang planong pagkakaroon ng Special Commission o tanggapan, na kahit ang Palasyo na ang magpatayo, upang isulong, mapakinabangan at maprotektahan ang soberanya at karapatan ng bayan sa yamang dagat doon.

Magbukas ng kasunduan ang University of the Philippines sa ibang mga unibersidad sa Amerika upang magsimula ng pagsasaliksik. Bumuo dapat ang pamahalaan ng kontrata sa mga Amerikanong “power and gas” corporation upang maghanap ng langis, atbp. na magagamit na enerhiya ng bansa.

Kapag naganap ito, hindi malayo na may mga barkong pandigma ang US na lilibot at magbabantay sa negosyo ng sariling mamamayan. Sa nagdaang ilang araw, muling pinanindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang WPS sa kanyang huling pagbisita sa Gitnang Silangan sa harap ng mga OFW. “Sa pagkilos ng mga tao roon sa pag-ookupa, inutusan ko ang military na okupahan ang nalalabing 10 pulo na hindi pa tinitirhan, magtirik ng bandila, pagkatapos magtayo ng mga istruktura. Inaangkin ko ang mga pulo bilang lupain ng Pilipinas.

Nagiging lahat na lang ay nang-aagaw ng bawat lupa sa South China Sea kaya kung hindi tayo agad kikilos, walang matitira sa atin,” Todo suporta ako sa naging pahayag ng ating Pangulo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Masamang bangungot ang dumatal sa atin dahil sa kapalpakan ng mga nagdaang pamahalaan. Magtayo na tayo agad ng mga istruktura sa WPS: 1) Buhayin ang aprubado at napondohang proyekto noong panahon ni DFA Secretary Domingo Siazon; 2) Ayusin ang runway sa Kalayaan Island; 3) Magtayo ng bagong pier; 4) Maglagay ng parola; 5) Palakihin ang paaralan at bahay pamahalaan; 6) Bumili ng makina para sa “desalination” upang ang tubig-alat ay maging tubig-tabang na maaaring inumin; 7) Magkaroon ng Himpilan ng Coast Guard; 8) Palakihin at palakasin ang tropa ng AFP kasama ang kampo; 9) Suportahan ang pagpapatayo ng mini-hospital; 10) Hikayatin ang mga mamumuhunan na maglagay ng beach resorts doon na may mga jet ski, banana boat atbp.; 11) Planta ng yelo; 12) Mag-reclaim ng karagdagang baybayin na maaaring pagtaguan ng mga Pilipinong mangingisda, pati mga yateng panturista, sa masamang panahon. Atbp. (Erik Espina)