AYON sa aming source, naurong sa Mayo 3 ang playdate ng Luck at First Sight nina Jericho Rosales at Bela Padilla dahil nahinto ang shooting nang pumanaw ang daddy ng aktor.
Blessing in disguise din naman dahil kung natuloy ngayong Abril ang showing ng pelikula ay makakasabayan nila ang Fast and the Furious 8, Boss Baby at Can’t Help Falling In Love na nakasalang ngayon sa mga sinehan at magso-showing naman ang Guardians of the Galaxy Volume 2 at ang indie movie na 1st Sem.
Sa Q and A ng presscon sa lobby ng Trinoma Cinema, inamin ni Echo na devastated siya nang pumanaw ang tatay niya na habang nagso-shooting sila ay kasalukuyan nang nakaratay sa hospital. Pero kahit mabigat na ang pakiramdam niya ay kailangan pa rin niyang mag-report sa shooting.
Nang makarating sa kanya ang masamang balita sa set ay hindi niya nakontrol ang sarili na ikinasira ng tent, bagay na naintindihan naman ng lahat ng mga kasama niya.
“Siyempre, meron kang feelings, di ba?”sambit ni Jericho.
Ang direktor nilang si Dan Villegas at producers na sina Neil Arce at Boy 2 Quizon ang nagsabing puntahan na niya ang tatay niya.
“Pinakawalan na nila ako, ni Direk Dan, ni Bela, sina Boy 2, ‘go na’, I wanted to continue, sabi nila, ‘hindi na, go na’,” kuwento ni Echo.
“So, ako, blessed ako to be in this project. I will never forget this project and the people I’ve worked with dito sa project na ito. They’re all very supportive and loving.”
Base sa aura ngayon ng aktor, mukhang okay na siya. Kaya naman nang kumustahin siya, ang sagot ni Echo: “I think I look better. I’m a better person. I actually did this, nag-long ride kami ng mga barkada ko, we did 1,800km in 72 hours on a motorcycle.
“Pinuntahan ko ‘yung San Juanico Bridge kung saan nagpunta si Papa, kinunan ko ng litrato, iniyak ko lahat du’n sa tulay. Bumalik ako ng Manila, I came back a better person, a stronger person, and I understand my father even more, parang ganu’n.
“So our family is better, medyo naka-move on na kami. Of course, we miss Papa, my source of adventure and inspirasyon ko rin sa buhay, my source of strength. Ang nakakatuwa do’n, I became a stronger person. So,‘yun. I’m better.”
“Sobrang mabibilib ka kay Echo,” salo naman ng leading lady niyang si Bela, “kasi nu’ng nag-pass away ‘yung father niya on a Thursday, akala ko, wala kaming shoot for a week, pero sinabihan ako ng team na, ‘Okay magsu-shoot si Echo ng Saturday’. Parang... two days after lang, willing to work na siya ulit. Kaya nagulat pa ako.”
Puring-puri rin ni Bela ang pagiging down-to-earth ni Echo.
“Si Echo is one of the accomplished actors that we have, pero pagdating niya sa set, nilalaglag niya lahat ‘yun, ayaw niyang bigyan namin siya ng special treatment.
“Kung lahat kami nagkukulitan, minsan ayaw namin siyang istorbohin dahil baka pagod, galing sa taping, siya na mismo ‘yung may initiative na makipagkulitan din sa amin.
“Very humble, nakakagulat for his status to be that humble, and sana marami pa tayong makatrabaho na ganitong tao na walang kaere-ere, sobrang bait,” kuwento ng dalaga.
Ibinuking din ni Bela na napaka-generous ng leading man niya na matindi ang pa-last day.
“’Yung last day gift niya sa akin, sobrang iniyak ko sa bahay. Puwede ko bang sabihin?” sabay lingon kay Echo na inoohan naman. “Binigyan niya ako ng typewriter na vintage na may case pa, eh, ang tagal ko nang naghahanap nu’n, as in sobrang tagal na.”
Bakit mahalaga ang vintage typewriter para sa kanya?
“Kasi gusto ko lang sabihin na kunwari writer ako, gusto ko ng typewritter para masabi ko lang din, kasi naisip pa niya kaya iba talaga, iba ‘tong si Echo.”
Ayon kay Jericho, 1950’s model daw iyon.
“Dalawa kasi ‘yun, isang 1930’s at 1950. Hindi naman mahal ‘yun, ‘yung sinasabing generous ako, hindi ‘yun, it’s more of gesture kasi sa sobrang pagkakuripot ni Bela, generous na ako.
“’Yung 1930’s, inilagay ko ‘yun sa office ko kasi mas maganda, so sa kanya ‘yung mas pangit,” sabay tawang sabi ng aktor.
“Honestly,” hirit ni Bela, “ayoko siyang gamitin kasi may isinulat siyang letter. May nakasampa do’n sa typewriter, so parang hindi pa ako ready na tanggalin ang letter. Kasi ang ganda nu’ng sinulat niya, nakaka-touch, baka ‘pag tapos nang umere (showing) ang Luck at First Sight.”
Anyway, kasama nina Echo at Bela sa pelikula sina Cholo Barretto, Issa Pressman, Jeric Raval, Kim Molina at Dennis Padilla under ng Joyce Bernal Productions and N2 Productions for Viva Films. Magkakaroon sila ng premiere night sa May 2. (Reggee Bonoan)