ANG relasyon ng Pilipinas at Thailand ay makasaysayan at kritikal sa kaunlaran ng dalawang bansa. Naitatag ang nasabing relasyon noong 1949, na una ring pakikipag-ugnayang diplomatiko ng Pilipinas sa isang estado sa Timog-Silangang Asya.
Marami pang dapat matutuhan ang dalawang bansa sa isa’t isa lalo pa nga at kapwa sila nasa aktibong transisyon ng demokrasya. Inaasahan natin na mapalalakas ang kooperasyon upang matuto sa karanasan ng bawat isa. Magkakatulungan din ang dalawang bansa sa seguridad sa rehiyon at mga isyu na gaya ng terorismo, trafficking at cyber security.
Nais din nating makita ang mas malawak na kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Thailand sa antas ng Association for Southeast Asian Nations (ASEAN), lalo na ngayon na ang Pilipinas ang tagapangulo.
Sa ganitong mga dahilan, mahalaga ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte (ikalawa niya mula nang maging pangulo) sa Thailand. Sa pagitan ng pagpupulong nila ni Prime Minister Prayut Chan-o-cha at ng komunidad ng mga Pilipino sa Thailand, ang opisyal na pagbisita ay nagresulta sa paglagda sa tatlong kasunduan sa agham at teknolohiya, agrikultura at turismo.
Nangako ang Pangulo at Prime Minister na palakasin ang relasyong bilateral lalo na sa larangan ng depensa, edukasyon at serbisyong panghimpapawid. Nalaman ko rin na nagkaroon ng pag-uusap ukol sa komunikasyon sa telebisyon, radyo, at limbag at maging sa social media.
Matagal ko nang hinahangaan ang Thailand sa pagtatayo ng mall at negosyong tingian dahil kaugnay ang mga ito ng ginagawa namin sa Vista Land. Mas maganda at artistiko ang ginagawa ng Thailand sa pagpapunlad ng mga mall at negosyong tingian.
Lagi akong nasisiyahan sa pagbisita sa Thailand, maging ito man ay ukol sa negosyo o sa pagliliwaliw. Nakaaakit ang mga bulaklak sa paligid at ang napakaraming prutas sa buong bansa. Napag-alaman ko na bahagi ito ng proyekto ng namayapang si Haring Bhumibol Adulyadej upang maging abot-kaya ng mamamayan ang mga prutas, gulay at bungang-kahoy na dati ay itinuturing na pang-mayaman lamang.
Kahanga-hanga lalo na ang mga orkidyas na makikita sa mga airport, mall, mga hotel at iba pang lugar. Isa pa itong mahalagang dahilan kung bakit itinuturing kong maganda ang Thailand. Ang isa pang dahilan ay ang mismong mamamayang Thai. Dahil sa kanilang pagiging masaya, mapagkaibigan at bukas na ugali, ang kanilang bansa ay isang mahalagang destinasyon sa turismo sa ating rehiyon.
Ang Pilipinas man ay may mapagkaibigang mamamayan at maraming himala ng kalikasan. Kaya nga naniniwala ako na may matututuhan tayo sa mga estratehiya ng Thailand upang maparami ang turistang dumarating sa ating bansa.
Mapalad ako na makasama kay Pangulong Duterte sa kanyang pagdalaw sa Thailand. Ito ay isang produktibong pagdalaw na makabubuti sa relasyon ng dalawang bansa.
Nagpapasalamat ako sa papuring ipinahayag ng Pangulo para sa akin sa harap ng komunidad ng mga Pilipino roon.
Itinuturing kong isang napakabuting kaibigan si Pangulong Duterte. Naging magkaibigan na kami mula pa nang magkasama kami sa Konggreso.
Masaya ako sa nasabing opisyal na pagdalaw dahil nakilala ko ang embahador ng Thailand sa Pilipinas, si H.E. Mr. Thanatip Upatising, na akmang-akma na maging kinatawan ng kanyang bansa sa Pilipinas.
Matagal na siyang kilala ng aking maybahay, si Senadora Cynthia Villar, dahil pareho silang interesado sa pagpapaunlad sa agrikultura. Tama ang mga sinabi niyang mabubuting bagay ukol sa embahador.
Si Ginoong Upatising ay isang diplomatiko na mataas ang pagpapahalaga sa interes ng Thailand at pagpapalakas ng relasyon nito sa Pilipinas. Mapalad ang Thailand at siya ang kinatawan nito sa Pilipinas.
(Para sa mga komento, sumulat sa mbv.secretaeiat@gmail o bumisita sawww.mannyvillar.com.ph.) (Manny Villar)