PUMANAW kahapong ala-una ng madaling araw si Willy Cruz, pagkaraang ma-stroke at isang linggong pagiging comatose sa St. Luke’s Hospital.
Si Willy Cruz, 70, isinilang noong Enero 30, 1947sa San Miguel, Manila, ang isa sa pinakamahusay at pinakaproduktibong musical artist sa Pilipinas. Kinikilala siya, maging ng kanyang mga kapanabayan at katrabaho, bilang henyo at isa sa mga haligi ng Original Pilipino Music (OPM).
Bukod sa pagiging piyanista, kompositor at arranger, siya ay musical director din. Mahigit isandaang pelikula ang nilapatan niya ng musika. Siya ay apo ng pamosong composer at musical director ding si Francisco Buencamino at pinsang buo ng piyanistang bantog sa buong mundo na si Cecile Licad. Ang nagturo sa kanyang tumugtog ng piano noong bata pa siya ay ang kanyang tiyahin na si Rosario, ina ni Cecile.
Habang nag-aaral ng business course sa Ateneo de Manila University, naging arranger si Willy ng bandang Ambivalent Crowd na ang mga miyembro ay sina Pol Enriquez, Celeste Legaspi, Cynthia Patag, Gigi Escalante, Mae Cendana, Pinky Marquez, Lory Paredes, Tito Saludo, Yoyong Magdaraog at Berg Villapando.
Tuluyan siyang “nalihis” ng landas sa kanyang pinag-aaralan at lumikha ng mga awitin na agarang minamahal ng mga Pilipino, dahil huling-huli ng kanyang mga pinong titik at musika ang maramdaming puso ng lahing kayumanggi.
Ang ilan sa mga komposisyon niya ay ang Araw-araw, Gabi-gabi, Doon Lang, Never Ever Say Goodbye, Kumusta Ka, Bituing Walang Ningning, Sana’y Wala Nang Wakas, Pangarap Na Bituin, Pati Pintig ng Puso at Init Sa Magdamag, Love Without Time, Kahit Na, Kapag Puso’y Sinugatan, Sana’y Maghintay Ang Walang Hanggan, May Minamahal, Tag-araw, Mahawi Man Ang Ulap, Maging Akin Ka Lamang, at maraming iba pa.
Naging in-house composer at record producer siya ng Vicor Music Corporation at kalaunan ay nagtatag ng sariling Jam Recording/Telesis.
Ang ilan sa award winning films na kanyang nilapatan ng musika ay ang Sana’y Wala Nang Wakas, Bukas Luluhod Ang Mga Tala, Bituin Walang Ningning, Pahiram ng Isang Umaga, Alyas Baby Tsina, Balweg, The Rebel Priest, Pinulot Ka Lang Sa Lupa, Nagbabagang Luha, at iba pa.
Nitong mga nakaraang taon, naglabas siya sa Viva Records ng solo albums na naglalaman ng kanyang piano renditions ng iba’t ibang hits.
Dalawang beses nakapanayam ng manunulat na ito si Willy Cruz, nang ilunsad ang dalawang una sa kanyang solo album.
Siya ay tunay na alagad ng sining. Kasama ang isa pang henyo ng OPM na si Rey Valera, sila ang nagpatuloy sa Kundimang Pilipino sa modernong panahon. (DINDO M. BALARES)