Sa kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na mga dekada, hindi siksikan sa mga tax filing center ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Metro Manila at maging sa ibang lugar kahit pa kahapon ang huling araw ng pagsusumite ng 2016 income tax returns (ITR).
Labis na napahanga si BIR Commissioner Caesar R. Dulay, na naglibot sa apat na regional office ng kawanihan sa Metro Manila, sa naging paghahanda ng mga field official sa dagsa ng mga last-minute filer, na kumpleto pa sa mga air-conditioned tent na ikinatuwa naman ng mga taxpayer.
Inilarawan ni Dulay ang huling araw ng ITR filing na “smooth” at “orderly”.
Aniya, ito ay dahil sa electronic filing system na eBIRForm.
Karamihan ng mga pangunahing taxpayer, gaya ng mga negosyante at propesyunal, ay saklaw ng eBIRForm.
Maging ang mga senior citizen at may kapansanan na pinahintulutan sa manu-manong paghahain ng ITR ay gumamit din ng bagong format.
Samantala, sinabihan naman ni Revenue Deputy Commissioner for Information System Lanee David ang ilang electronic Filing and Payment System (eFPS) taxpayer na balewalain ang auto-computed penalties para sa “late” na paghahain ng ITR nitong Linggo at kahapon.
Aniya, namali ang pagpapataw ng eFPS computer ng multa dahil ibinatay ito sa orihinal na deadline na Abril 15, na nataong Sabado de Gloria, kaya inilipat ang petsa sa Abril 17, Lunes.
Inaasahang malilikom ng BIR ang P1.8 trilyon target nito mula sa 16 na milyong individual at 840,000 corporate taxpayers. (Jun Ramirez)