Arestado ang tatlong drug suspect, tatlong mandurukot at isa naman sa kasong pananaksak sa operasyon ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Mahal na Araw, kinumpirma kahapon.

Ayon kay QCPD director Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar, naaresto ng mga operatiba ng Novaliches Police Station (PS-4) 4, sa ilalim ni Police Supt. April Mark C. Young, sina Rene Balisalis, 50, Barangay Bartolome, Novaliches; at Frederick Rosal, 26, ng Bgy. Bagbag, Novaliches, matapos ang buy-bust operation sa harap ng Starsia Apartelle, sa Bgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City, dakong 9:15 ng gabi nitong Huwebes.

Nakuha sa kanila ang isang pakete ng shabu at buy-bust money.

Nagkasa rin ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Kamuning Police Station 10 (PS-10), sa ilalim ni Police Supt. Pedro T. Sanchez, at nalambat si Jonell Doroño, 31, ng Bgy. Bagong Pag-asa sa Area D, NIA Rd., Bgy. Pinyahan, bandang 9:00 ng gabi nitong Biyernes.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Isang pakete rin ng shabu ang nakuha mula sa kanya at buy-bust money.

Pagsapit ng 6:00 ng gabi nitong Huwebes, nag-aabang ng masasakyan si Jay-r Donato ng Bgy. Laging Handa sa waiting shed sa Scout Santiago St., cor., Don Alejandro Roces St., Bgy. Obrero, nang lusubin umano siya ni Elbert Ramos, 27, ng Bgy. 128, Balut, Tondo, Maynila, at kinuha ang kanyang cell phone.

Humingi ng tulong si Donato sa Kamuning PS-10 at inaresto ng mga operatiba si Ramos, at nabawi ang cell phone ni Donato.

Samantala, inaresto ng patrol team ng Batasan Police Station (PS-6), sa ilalim ni Police Supt. Lito E. Patay, si Hernani Perez, 32, ng Bgy. Batasan Hills, nang mahuli siya sa aktong hinahablot ang bag ng kapwa pasahero sa tricycle.

Dinakma naman si Rosalito Alfon, 58, ng Bgy. Batasan Hills, sa pananaksak kay Julius Pama sa Sitio Uno Kaliwa, Bgy. Bataan Hills, bandang 3:55 nitong Huwebes. Kapwa sila nakainom ng alak at nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Sinaksak ni Alfon si Pama sa likod at tumakas. Bandang 4:10 ng hapon noong araw ding iyon, inaresto si Alfon ng PS-6 sa follow-up operation.

Sabay naman inaresto sina Genalyn Ramos, 26 at Gerardo Gatil, 43, kapwa taga-Sampaloc, Maynila, dakong 5:00 ng hapon nitong Biyernes, matapos tangayin ang dalawang cell phone mula sa isang pampasaherong bus sa EDSA sa Bgy. E. Rodriguez, Cubao.

Ang mga naarestong drug suspect ay pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang inaasikaso na ang mga kasong isasampa laban sa iba pang naaresto. (Francis T. Wakefield)