Vince Carter

Cavs, lusot sa mintis ng Pacers; Spurs, Bucks at Jazz, wagi.

CLEVELAND (AP) — Sinimulan ng Cleveland Cavaliers ang kampanya sa playoffs sa pahirapang 109-108 panalo kontra Indiana Pacers sa Game 1 ng kanilang Eastern Conference first round duel nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Sumabak si LeBron James sa ika-200 career playoff game at kumubra ng 32 puntos, 13 assist at anim na rebound para hilahin ang career first-round winning streak sa 18.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ngunit, taliwas sa inaasahan, hindi nadomina ng Cavs ang Pacers na matikas na nakihamok mula simula hanggang wakas at nakauna sana sa duwelo kung hindi sumablay ang 14-foot jumper ni CJ Miles sa buzzer.

Nag-ambag si Kyrie Irving ng 23 puntos, habang tumipa si Kevin Love ng 17 puntos sa Cleveland, naitala ang ika-12 sunodf na panalo sa playoff sa home game.

Nanguna si Paul George sa Indiana sa natipang 29 puntos at humugot si Lance Stephenson ng 16 puntos para sa seventh-seeded Pacers, tatangkain na maipatas ang serye sa Game 2 sa Lunes (Martes sa Manila).

BUCKS 97, RAPTORS 83

Sa Toronto, hataw si Giannis Antetokounmpo sa nakubrang 28 puntos, habang umiskor si rookie Malcolm Brogdon ng 16 para sandigan ang Milwaukee Bucks sa sopresang panalo kontra Raptors sa opening match ng kanilang serye.

Naglalaro sa kanyang ikalawang career playoff series, ratsada ang tinaguriang ‘Greek Freak’ sa 13-of-18 shot, at humugot ng walong rebound at tatlong assist. Nag-ambag si Greg Monroe ng 14 puntos.

Nanguna si DeMar DeRozan sa Toronto sa naiskor na 27 puntos at kumana si Serge Ibaka ng 19 puntos at 14 rebound.

Naitala ng Raptors ang opening game playoff loss sa walong sunod.

Nalimitahan si Toronto star guard Kyle Lowry sa apat na puntos, gayundin si center Jonas Valanciunas sa siyam na puntos at siyam na rebound.

Gaganapin ang Game 2 sa Martes (Miyerkules sa Manila) sa Toronto.

JAZZ 97, CLIPPERS 95

Sa Los Angeles, naisalpak ni Joe Johnson ang jumper sa buzzer para sandigan ang Utah Jazz na naiwan sa ere ng na-injured na si center Rudy Gobert sa opening game ng kanilang playoff kontra Clippers.

Hataw si Johnson sa nahugot na 21 puntos.

Nabakante ang gitna ng Jazz nang ma-injury sa tuhod ang 7-footer na si Gobert may 17 segundo ang nakalilipas sa first quarter nang tumama ang tuhod niya kay Clippers forward Luc Mbah a Moute.

Sa kabila nito, matikas na nakihamok ang Jazz, kabilang si George Hill na kumana ng 16 puntos.

Nabalewala ang impresibong laro ni Blake Griffin na nagsalansan ng 26 puntos, gayundin si Chris Paul na may 25 puntos at 11 assist.

SPURS 111, GRIZZLIES 82

Sa San Antonio, napantayan ni Kawhi Leonard ang postseason high sa 32 puntos sa dominanteng panalo ng Spurs kontra Memphis Grizzlies sa Game 1 ng kanilang Western Conference playoff.

Ratsada si LaMarcus Aldridge sa naiskor na 20 puntos, habang nag-ambag si Tony Parker ng 18 puntos sa San Antonio para sa ikasiyam na sunod na panalo sa Memphis sa postseason.

Nanguna si Marc Gasol sa Grizzlies sa naiskor na 32 puntos, ngunit nalimitahan sa pitong puntos sa second half kung saan natabunan sila sa pinakamalaking bentahe na 36 puntos.

Naglaro ang Memphis na wala ang defensive man nilang si Tony Allen na nagtamo ng calf injury.

Host pa rin ang Spurs sa Game 2 sa Lunes (Martes sa Manila).