SA gitna ng mataimtim na mga pagninilay ngayong Semana Santa, nakapanlulumong mabatid ang kaliwa’t kanang engkuwentro ng mga kababayan nating mga rebelde, sundalo at pulis. Kamakalawa lamang, siyam ang namatay sa magkabilang panig sa labanan sa Bohol; bukod pa rito ang mga nalagas at nasugatan sa sagupaan sa ilang bayan sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Isipin na lamang na ang gayong kahindik-hindik na mga labanan ay nagaganap hindi lamang sa kasidhian ng pagtitika kundi sa kasagsagan ng isinasagawang usapang pangkapayapaan o peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng grupo ng mga rebelde; sa hangarin nating matamo ang tunay at pangmatagalang katahimikan sa buong kapuluan.

Ang hindi kanais-nais na mga pangyayari ay nagpapatunay lamang ng kawalang-pagpapahalaga sa pagninilay; ang mga naglalaban ay hindi kumikilala sa pagtawag sa Panginoon upang ihingi ng kapatawaran ang kanilang mga kasalanan. Higit pa nilang ninanais ang malagim na pagninilay kaysa pagkakaroon ng pagkakasundo, tulad ng lagi nating minimithi.

Maging ang mga pagsisikap upang maging mabunga ang peace talks ay maliwanag na hindi nila pinahahalagahan, isang insulto sa Duterte administration – at maging sa nakalipas na mga pangasiwaan – na wala nang hinangad kundi maghari ang kapayapaan sa bansa. Noon pa man, madugo na rin ang mga engkuwentro ng mga rebelde at ng ating mga kawal at iba pang alagad ng batas. Sa kabila ito ng katotohanan na walang humpay ang utos ng ating mga lider na puksain ang mga bandidong grupo na wala ring humpay sa paghahasik ng karahasan sa mga komunidad.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nais kong maniwala na pati ang mga pagsisikap ni Pangulong Duterte ay binabalewala ng mga naglalabang sektor. Bago siya tumulak patungong Middle East, inihayag niya na plano niyang sertipikahan bilang ‘urgent’ ang pinagtugmang bersiyon ng Bangsamoro Law na isinusulong nina Nur Misuari ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Chairman Al-Hajj Murad Ebrahim ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Kailangan ito upang ganap na maipatupad ang 2014 Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB) sa layuning mawakasan ang deka-dekadang labanan ng mga Moro sa Mindanao.

Subalit tila ayaw paawat ang naturang mga bandido na pinaniniwalaang mga miyembro rin ng MNLF at MILF; hanggang ngayon ay patuloy sa pagkidnap at pagpatay sa kanilang binibihag na mga dayuhan at maging ng ating mga kababayan.

Dahilan ito upang iutos ng Pangulo ang pagpulbos sa mga rebelde na kabilang sa Abu Sayaff Group.

Ganito rin ang pagwawalang-bahala ng mga NPA rebels sa isinusulong na usapang pangkapayapaan. Sa kasagsagan ng GPH at CPP/NDF peace talks, walang puknat ang NPA rebels sa pagtambang sa ating mga sundalo. Pati ang ipinatupad na ceasefire ay hindi rin iginalang ng mga kinauukulan.

Ang lalong nakapanlulumo sa ganitong mga pangyayari ay ang katotohanan na kapwa Pilipino ang nagpapatayan.

(Celo Lagmay)