MASIGABONG palakpakan ang karapat-dapat na sumalubong sa mga bagong alituntunin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) bago pa matuloy ang proseso ng ‘Usapang Pangkapayapaan’: 1) Itigil ng mga komunista ang ‘Revolutionary Tax’, na sa ibang salita, ay uri ng “tong” sa sambayanang Pilipino; 2) Wakasan ang mga pananambang sa pulis at AFP, kasama ang panununog ng mga sasakyan at ari-arian ng mga pribadong negosyo; 3) Pag-alis sa mga rebel o safe zones na nagbabawal sa Armed Forces of the Philippines (AFP) o pulis na makiraan sa, kuno, teritoryong kontrolado ng CPP/NPA.
Bunsod ito ng mga reklamong ipinapaabot ng NDF sa mga nakaraang Usapang Pangkapayapaan. Wika pa ng Pangulo, “That’s crazy!”; 4) Pakawalan ng grupo ang kanilang mga bihag. May pahabol pa si DU30 sa mga terorista, binalaan niya na kung nais nila ituloy ang giyera, ay sige at 50 taon ulit.
Ang mga nabanggit ng Pangulo ay tinaguriang “barest conditionalities”, para matuloy ang proseso ng daldalan sa abroad. Tumpak ang bagong hakbang ng Pamahalaaan. Kaya nga “pinakapayak”, dahil maaari pang dagdagan para hindi talaga madehado ang bayan sa matinik na patintero ng CPP.
‘Yung estratehiya ng “Talk, talk” tapos “Fight, fight”. Ilakip sa hiling na hindi na NDF ang humarap sa usapan, bagkus ilantad ang ulo ng CPP. Iniiwasan nila kasi patintero ang laro! Kaya maghanda na tayo, sa sarsuwela ng proseso. Kinakasangkapan lang ng CPP ang “peace talks” upang bumili ng panahon para lalo nitong mapalakas ang kanilang puwersa sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka at rebolusyon.
Nitong bago lang inilabas sa mga pahayagan na muling pinaninindigan ng Komiteng Sentral ng CPP, sa kanilang 2nd National Congress, ang pangangailangan ng armadong rebolusyon upang kontrahin ang armadong dahas na ginagamit ng mga US Imperialists at naghaharing uri, at mawakasan ang mapang-api at mapangsamantalang semi-kolonyal at semi-feudal na sistema.
Malinaw sa sikat ng araw ang patutunguhan ng CPP/NPA at ng kanilang ‘di nagbabagong kalatas. Ayon sa kanila, pati si DU30 kapatas sa mga itinuturing nilang kalaban. Laban, Mr. President! (Erik Espina)