BAGO tumulak patungong Middle East si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD), pinasaya niya ang nalalabing buhay na mga beterano ng World War II nang siya’y magsalita sa ika-75 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan sa Mt. Samat sa Pilar, Bataan.

Bilang pagkilala sa sakripisyo at ambag ng mga beterano para sa bayan, iniutos ni PRRD sa mga opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) at Armed Forces of the Philippines ang madaliang pagre-release ng kanilang pensiyon para sa 2003-2013 na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon. Isang kapuri-puring hakbang ito ng Pangulo.

Siguro naman ay kikilos agad at hindi magmamatigas si Budget Sec. Benjamin Diokno na hindi ilabas ang kaukulang pensiyon para sa matatanda at uugud-ugod nang beterano, tulad ng pagkakait niya ng hinihinging overtime pay ng mga kawani ng Immigration Bureau na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport.

Papaunti na nang papaunti ang mga beterano ng ikalawang Digmaang Pandaigdig na karamihan ay mahigit 80-anyos, 90-anyos at kung palarin ay 100-anyos. Kulubot na ang mukha, malabo ang mga mata, kuluntoy ang mga bisig at kamay na dati ay malulusog at malalakas. Karamihan sa kanila ay may sakit na iniinda, pero nagtitiis na hindi magpagamot dahil sa kakulangan sa pera.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nagpasalamat si Pres. Rody sa mga beteranong dumalo sa okasyon kahit kalog na ang mga tuhod. Inihayag niya ang “magandang balita” tungkol sa P6.4 bilyon para sa kanilang pensiyon. Nagsigawan ang mga beterano at kanilang pamilya sa “magandang balita” na kaytagal na hinihintay sa nakalipas na mga administrasyon. Hindi ba ganito rin ang ginawa ng PRu30 nang iutos niya sa Social Security System na i-release ang unang bahagi ng P2,000 pensiyon ng matatanda, este pensioners?

Sa pagpapaabot ng pasasalamat sa mga beterano, ipinangakong bibigyang-prayoridad ng administrasyon ang pagpapalabas ng pera o pondo para sa pensiyon ng mga beterano na magagamit sa pambili ng gamot (maintenance medicine), pagkain at iba pang pangangailangan ng mga “taong nasa takip-silim” na ng buhay.

Alam ba ninyong si retired police officer Arturo Lascañas, umaming lider ng tinatawag na Davao Death Squad (DDS), na nagsangkot kay Duterte sa maramihang pagpatay (extrajudicial killings) sa Davao noong siya pa ang alkalde, ay umalis na sa bansa sa takot na siya’y patayin o sampahan ng katakut-takot na kaso? Sabi ni Lascañas: “May tinanggap akong impormasyon na kakasuhan ako at may mga taong naghahanap sa akin.”

Sino nga naman ang hindi matatakot, eh binangga niya ang pinakamakapangyarihang opisyal ng Pilipinas? Papaano naman si Edgar Matobato na nagsangkot din kay Mano Digong sa mga pagpatay? Ang problema sa bansa natin ay kung bakit ‘pag may nagsabi ng kanilang bersiyon tungkol sa EJKs sa Davao City o sa iba pang bahagi ng bansa, ayaw paniwalaan at itinitigil agad ang imbestigasyon.

Ngayon ay Huwebes Santo, bisperas ng kamatayan ni Kristo sa krus sa Golgota o bundok ng mga bungo. Noong Linggo, ipinagbunyi siya ng mga tao (Hudyo) upang kondenahin at ipapatay sa Biyernes. Sa kanyang “triumphant entry” sa Jerusalem noong Palm Sunday, hiningi ni Cardinal Tagle sa mananampalataya na hanapin si Jesus sa piling ng mahihirap at api. Pahayag niya: “Ang pagtanggap sa tunay na Jesus ay pagtanggap sa presensiya niya sa mga mahihirap; iyong dinudurhan at iniinsulto sa lipunan; iyong hindi kumikibo kahit sila’y sinasampal. Pero sila ang may dignidad sapagkat tanging ang Diyos ang nakaaalam ng Katotohanan.” (Bert de Guzman)