Iginiit kahapon ni dating Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno na mali ang impormasyong ipinarating ng kanyang mga tauhan kay Pangulong Duterte para paniwalain ang huli na sangkot siya sa kurapsiyon na nagbunsod ng pagsibak nito sa kanya sa serbisyo.

Sa emosyonal na pamamaalam sa harap ng daan-daang empleyado at opisyal sa tanggapan ng DILG kahapon, naluluhang sinabi ni Sueno na tanggap na niya ang kanyang kapalaran o ang pagiging “sacrificial lamb” sa kampanya ng gobyerno laban sa kurapsiyon.

Nag-iiyakan din maging ang mga empleyado ng kagawaran, na nagkani-kaniyang bitbit ng placard na nagpapahayag ng suporta sa integridad ni Sueno habang ilan sa kanila ang bumatikos sa motibo ng mga anila’y naninira sa dating kalihim.

TODO-TANGGI

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Nilinaw na hindi naaapektuhan ang pagkakaibigan nila ng Presidente, mariing pinabulaanan ni Sueno na may ginawa siyang katiwalian at sinabing sinibak siya ni Duterte sa pagtatapos ng Cabinet meeting batay sa white paper na ibinigay dito nina DILG Undersecretaries Jesus Hinlo, John Castriciones, at Emily Padilla.

Iginiit ni Sueno na totoong hindi niya nabasa ang DILG legal opinion tungkol sa pagbili ng mga Rossenbauer fire truck mula sa Austria dahil hindi ipinaalam sa kanya ni Hinlo ang tungkol dito at nalaman lang niya ito noong Lunes nang mismong si Duterte na ang kumompronta sa kanya.

Aniya, nilagdaan ang dalawang fire truck deal bago pa man siya naupo bilang kalihim ng DILG, at walang isa man sa 76 na fire truck ang naide-deliver hanggang sa ngayon.

‘HE HAS LOST TRUST’

Samantala, iginiit naman ni Senator Vicente Sotto III na matagal nang nais ni Pangulong Duterte na sibakin si Sueno, sinabing narinig niyang binanggit ito mismo ng Presidente noong magtungo sila sa Myanmar noong Enero.

“I knew that the DILG secretary was going because I overheard it from the President himself during our trip but I did not tell anyone. There is information that reached him that we do not know. The bottom line lang is, he has lost trust,” ani Sotto. (Chito A. Chavez at Leonel M. Abasola)