Isang rally na humihiling na mapatalsik sa puwesto si Vice President Leni Robredo ang idinaos kahapon sa Quirino Grandstand sa Rizal Park, sa Ermita, Maynila kahapon.

Dakong 4:00 ng hapon nang simulan ang rally, na tinawag na ‘Palit-Bise’ para ipanawagan ang pagpapatalsik kay Robredo, na inaakusahang sangkot sa planong destabilisasyon laban sa gobyerno kasunod ng pagpapalabas ng video message ng Bise Presidente sa isang forum ng United Nations.

Kabilang sa mga dumalo sa rally sina Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Board Member Mocha Uson; Arnell Ignacio, AVP for Community Relation and Services Department ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor); Atty. Bruce Rivera; ang singer na si Jimmy Bondoc at iba pa.

Sabado ng madaling araw pa pinaghandaan, inaasahang magtatagal ang rally hanggang 11:00 ng gabi kahapon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa kabila nito, nakatutok pa rin si Robredo sa kanyang trabaho at ipinagkikibit-balikat lang ang serye ng mga hakbangin upang matanggal siya sa puwesto.

“It is clear during the last time they met, the President and Vice President are focused in their respective work,” sinabi ni Vice Presidential Legal Adviser Barry Gutierrez kaugnay ng rally sa Luneta. “They respect each other’s mandate.”

“Kung sa kabila nito may iilang supporter ng Pangulo na nagpupumilit pa ring lumihis sa pasya niyang ito, siguro sa kanya (Duterte) sila dapat magpaliwanag,” sabi ni Gutierrez.

Kasalukuyang nasa South Africa si Robredo para magtalumpati sa isang women’s conference. - Mary Ann Santiago

at Raymund Antonio