Kalaboso ang isang teller ng Bayad Center matapos mabuking na kasabwat siya sa panghoholdap ng isang hindi nakilalang lalaki sa pinagtatrabahuhan niyang establisyemento sa San Andres, Manila.
Nahaharap sa kasong qualified theft si Cebha Mae Tutica, 34, teller ng Bayad Center sa San Andres, at residente ng Singalong Street, Malate.
Batay sa ulat ni PO2 Ryann Paculan kay Chief Insp. Eduardo Pama, hepe ng Theft and Robbery Investigation Section ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong 5:48 ng hapon nitong Marso 27 nang i-report ni Daria Arcenal, 42, accounting head ng Bayad Center, na hinoldap ng hindi nakilalang lalaki ang kanilang tanggapan at natangay ang P1,725,000 cash na kita nila.
Kaagad namang inaresto si Tutica nang mabuking na sangkot siya sa pagnanakaw habang isinasailalim sa interogasyon ng pulisya.
Ayon kay Tutica, dakong 3:10 ng hapon nang pasukin umano ng nag-iisang lalaki ang kanilang tanggapan at tinutukan siya nito ng baril, gayundin ang isa pang teller na si Divine Grace Alindao, 38 anyos.
Sa paglalarawan ni Tutica, sinabi niyang ang suspek ay nakasuot ng checkered na polo at itim na pantalon, ngunit nang silipin ng mga pulis ang CCTV ay nalaman na kulay puti ang T-shirt ng suspek.
Sinabi rin umano ni Tutica na isa lang ang suspek ngunit nang tingnan sa CCTV ay maraming nagdaraan sa lugar.
Ayon kay Pama, malinaw na inililigaw ni Tutica ang kanilang imbestigasyon at paiba-iba ang mga pahayag nito kaya nagduda sila na kasabwat ito sa insidente.
Natuklasan din ng pulisya na noong 2014 ay nasangkot din si Tutica sa pagkawala ng P333,000 cash, ngunit sa pagmamakaawa ni Tutica ay pinatawad siya sa pangakong huhulugan ang pera.
Marso 15 nang unang maholdap ang nasabing Bayad Center, at nakatangay ng P257,000 cash ang mga holdaper.
(Mary Ann Santiago)