Nagpositibo sa initial drug test si Supt. Lito Cabamongan, 50, hepe ng PNP Crime Laboratory Service-Alabang Satellite Office sa Muntinlupa City, gayundin si Nedy Sabdao, na nahuli sa aktong nagsa-shabu sa isang barung-barong sa Las Piñas City nitong Huwebes.

Bagamat may nagpositibo sa drug test, nakatakda pang sumailalim si Cabamongan sa “confirmatory test” na inaasahang magkakaroon ng resulta sa loob ng isang linggo.

Kaugnay nito, humirit si Cabamongan, sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Borberto Malit, ng “independent drug test” at hiniling na ilipat sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos umanong makatanggap ng death threat mula sa kanyang asset.

SISIBAKIN SA SERBISYO, WALANG LUMP SUM

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Tiniyak kahapon ni Philippine National Police (PNP) director general Ronald Dela Rosa na matatanggal sa serbisyo at walang makukuhang pera sa kanyang pagreretiro si Cabamongan.

Ayon kay Dela Rosa, sasampahan si Cabamongan ng kasong administratibo, bukod pa sa paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.

“Wala tayong pinipili. Kahit na ano ang ranggo mo, basta ikaw ay involved sa drugs, ikaw ay huhulihin namin,” sabi ni Dela Rosa. (BELLA GAMOTEA at FER TABOY)