Binatikos kahapon ni Gabriela Party-list Rep. Emmi de Jesus si House Speaker Pantaleon Alvarez sa naging pahayag nito na pinagmukhang “ordinary” para sa mga lingkod-bayan at abogadong tulad nito na magkaroon ng ibang karelasyon kahit may asawa na.

“As defender of women’s rights, we express grave concern as to how Speaker Alvarez flaunts his extramarital affairs as something ordinary and acceptable,” saad sa pahayag ng miyembro ng Makabayan bloc.

Sa isang panayam sa radyo nitong Huwebes, sinabi ni Alvarez na walang masama kung may “affair” siya at nagtanong: “Sino ba’ng walang girlfriend?”

Una nang sinabi ni Alvarez sa mga mamamahayag sa Kamara na hindi malaking isyu ang pagkakaroon niya ng ibang karelasyon dahil “everybody does it”.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa parehong panayam, inamin ng leader ng Kamara na matagal na silang hindi nagsasama ng asawa niyang si Emelita.

“It reeks of machismo unbecoming of a public servant, more so of the Speaker of the House of Representatives,” ani De Jesus, na kasama ng buong Makabayan bloc ay nananatiling miyembro ng supermajority sa Kamara.

DEDMA SA DISBARMENT

Ipinagkibit-balikat din ni Alvarez nitong Huwebes ang planong sampahan siya ng disbarment sa Korte Suprema dahil sa imoralidad, sinabing handa siya rito.

Pabiro rin siyang nagbabala na kung ipadi-disbar ang lahat ng abogado dahil sa pagkakaroon ng nobya, wala nang matitirang abogado sa bansa.

“The recent statement made by Speaker Pantaleon Alvarez on his extramarital affairs and his insinuation that all other lawyers in the country might be disbarred too for such act is a reckless generalization,” ani De Jesus. “It casts unnecessary intrigue on the legal profession which is irrelevant to the main issue that Speaker Alvarez is in.”

AWAY NG MGA GF?

Dalawang linggo na ang nakalipas nang maghain si Alvarez ng kasong graft laban kay Davao del Norte 2nd District Rep. Antonio Floirendo Jr., may-ari ng kumpanyang Tagum Agricultural Development Company, Inc. (TADECO).

Kinuwestiyon ng Speaker ang detalye sa pinansiyal na hatian ng TADECO at ng gobyerno sa pamamagitan ng Bureau of Corrections (BuCor), partikular na ang joint venture agreement (JVA) nito noong 2003.

Gayunman, napaulat na personal ang dahilan ng away ng dating matalik na magkaibigan, na nag-ugat umano sa away ng kanilang mga nobya sa Maskara Festival sa Bacolod noong Oktubre 2016.

IWAS-PUSOY

Samantala, tumanggi naman ang Malacañang na makialam sa away ng dalawa, sinabing kailangang harapin ng mga ito ang personal nilang problema.

“This is a personal matter between two men. And I think they should be — the Palace will allow them to settle it privately between themselves,” ani Presidential Spokesman Ernesto Abella. “Interference, no. It is a matter that they should settle between themselves.” (ELLSON A. QUISMORIO at GENALYN D. KABILING)