Matapos mabawi ang kani-kanilang sasakyan, binawi na rin ng siyam sa mga biktima ng “rent-sangla” ang kasong kanilang isinampa sa Department of Justice (DoJ) laban sa mga nasa likod ng nasabing scam.

Sa hearing kahapon sa DoJ na nagsasagawa ng preliminary investigation sa nasabing kaso, pito sa mga biktima ang naghain ng affidavits of desistance.

Nitong Lunes, dalawa nang biktima ang naghain ng affidavits of desistance.

Ang siyam na nag-urong ng reklamo ay kabilang sa 29 na unang batch na nagsampa ng reklamo sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) noong Pebrero 22 laban sa mga suspek sa likod ng “rent-sangla” scam.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Kabilang sa mga inireklamo ng mga biktima ay sina Rafaela Montes Anunciacion, Eleanor Constantino Rosales, Tychichus Historillo Nambio, Jhennelyn Berroya, Anastacia Montes Cauyan, Eliseo Cortez, Marilou Cruz and Sabina Torrea.

“Apparently, ang mga complainant na nagde-desist they are blaming the HPG for the filing of cases,” ayon kay Assistant State Prosecutor Aristotle Reyes.

Sinabi ni Reyes na sinisisi ng siyam na nag-urong ng kaso ang HPG dahil pinilit umano sila na magsampa ng kaso laban sa mga suspek kapalit ng pagbalik ng kanilang sasakyan na na-recover ng awtoridad.

“So inexplain ko natural nagrereklamo kayo na nawawala ang mga sasakyan niyo and it ended up in the impounding area of the HPG,” aniya.

“Iimbestigahan ng HPG ‘yan. Hindi naman basta pupunta sila roon, uuwi na tapos dala ang sasakyan,” diin ni Reyes.

(Jeffrey G. Damicog)