Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 n.h. -- Blackwater vs TNT
7 n.g. -- NLEX vs Star
TARGET ng Star Hotshots na makasalo sa Rain or Shine at Meralco sa listahan ng walang gurlis na koponan sa pakikipagtuos sa NLEX sa tampok na laro ngayong gabi sa pagpapatuloy ng 2017 PBA Commissioners Cup sa Araneta Coliseum.
Wala pang panalo matapos ang tatlong laro, susubukang makabasag sa winner’s colum ng NLEX Road Warriors sa kanilang laro kontra Star sa tampok na laban sa 7:00 ng gabi.
Magtutuos naman ang Blackwater at Talk ‘N Text ganap na 4:15 ng hapon.
Bagamat, wala pang panalo ang makakatunggaling Road Warriors, nais ni Hotshots coach Chito Victolero na panatilihin ng kanyang mga player ang intensity na ipinakita sa unang dalawa nilang panalo, partikular ang ikalawang Player of the Week ngayong conference na si Mark Barroca at Allein Maliksi.
Ang dalawang manlalaro ang inaasahang magpupuno sa kakulangan ng injured pa ring si Paul Lee.
Sa unang laro, magsisikap ding makabasag sa win column ng Black water kasunod ng ginawang pagdaragdag ng ilang manlalaro na inaasahang makakatulong sa kanilang kampanya.
Dahil sa pagka-injured ni Arthur de la Cruz, kinuha ng Elite ang beteranong manlalarong si KG Canaleta sa Globalport sa bisa ng isang trade kapalit nina Dylan Ababou at James Forrester.
Bukod kay Canaleta, kinuha rin ng Elite ang serbisyo ng dating Star guard na si Mark Cruz buhat sa matagumpay na stint sa Tanduay Rhum sa PBA D League.
Para naman sa kampo ng Texters,target nila ang ikalawang dikit na panalo kasunod ng 134-109 panalo kontra Phoenix matapos mabigo sa una nilang laro. (Marivic Awitan)