Hindi na nakaporma ang dalawang lalaki na kapwa wanted sa panghoholdap makaraang dakmain sa isang pamilihan sa Tondo, Maynila, iniulat kahapon ng pulisya.

Noong araw ding iyon ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms and ammunition sina Jury Anzures, 30, tricycle driver, ng No. 804 Pilapil Street, Norner Dagupan Extension, Tondo; at Juliius Quipo, 25, ng 307 Paghanapin St., Tondo.

Sa report na tinanggap ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Police Chief Supt. Roel Obusan mula kay Chief Insp. Wilfredo Sy, hepe ng CIDG-Manila, matagumpay na naaresto ang dalawang suspek sa matiyagang pagmamanman ng mga tauhan ng Oplan Salikop at Oplan Paglalansag, sa pangunguna nina Senior Insp. Reynaldo Martin at SPO4 Obet Chua, sa harap ng Six Eleven Supermart sa Honorio Lopez Boulevard, Tondo, Maynila.

Sa nasabing lugar, nagpanggap umano ang mga suspek bilang mga tricycle driver upang manmanan ang susunod na tatargetin ng grupo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ngunit, ‘di umubra sa awtoridad ang kanilang pag-arte at sabay silang inaresto ng mga pulis at nakuhanan ng dalawang caliber .38 revolver at mga bala.

Sa ulat ng CIDG, kabilang sina Anzures at Quipo sa anim na katao na nangholdap sa isang negosyante na nagpapautang ng 5-6.

Kasalukuyang nakakulong sina Anzures at Quipo sa CIDG. (Fer Taboy)