Bumaba ang bilang ng mga pulis na sangkot sa kasong human rights (HR) violation sa bansa noong 2015 at 2016, sa kabila ng tumitinding kritisismo sa pulisya sa ikalawang bahagi ng nakaraang taon dulot ng kampanya laban sa droga ni Pangulong Duterte.
Sa datos ng Philippine National Police-Human Rights Affairs Office (PNP-HRAO), aabot sa kabuuang 174 na pulis ang nasangkot sa human rights violations noong 2014, na kinabibilangan ng illegal arrest, arbitrary detention at homicide.
Ayon kay Chief Supt. Dennis Siervo, hepe ng PNP-HRAO, bumaba ito sa 131 noong 2015 at bumaba pa sa 105 noong 2016, na ang kalahating taon ay sinimulan na ang giyera sa droga ng kasalukuyang administrasyon, na ikinamatay ng 2,000 pinaghihinalaang tulak at adik sa police operations, mahigit 50,000 ang inaresto habang mahigit isang milyon ang sumuko.
“There was really a downtrend despite the fact that there was a change of administration on the second half of last year,” sambit ni Siervo. “If you think the war on drugs will escalate cases of human rights violations, our statistics showed that it actually went down.”
Gayunman, sa kabila ng pagkaunti ng nasabing kaso sa nakalipas na dalawang taon, nadagdagan naman ang mga pulis na nahaharap sa kaparehong kaso sa unang tatlong buwan ng 2017.
Inamin ni Siervo na base sa huli nilang pag-aaral mula Enero hanggang ngayon, aabot sa kabuuang 56 na pulis ang kinasuhan ng paglabag sa human rights.
Karamihan sa kaso ay homicide at ilegal na pag-aresto.
HINDI NAAALARMA
Sa kabila nito, sinabi ni Siervo na masyado pang maaga para sabihin na mahihigitan ng kasalukuyang taon ang bilang ng kaso noong 2016.
“The year has not yet ended. I cannot predict if this will rise further, we will have to wait,” ani Siervo.
(Aaron Recuenco)