UMISKOR ng game-high 30 puntos si Ismail Fauzi na kinabibilangan ng 25 hit, apat na block at isang ace upang pangunahan ang National University sa 27-25,25-18,22-25, 19-25,15-12 panalo kontra University of the Philippines kahapon sa second round ng UAAP Season 79 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Ang panalo ang ika-10 sunod ng Bulldogs na nagpatibay ng kapit nila sa ikalawang puwesto kasunod ng namununo at defending champion Ateneo de Manila (12-0).

Nakatitiyak na ng semifinal seat at bentaheng twice-to-beat, malaking bagay ayon kay coach Dante Alinsunurin ang panalo dahil makakatulong ito sa kanilang ginagawang paghahanda sa muli nilang pagtutuos ng 3-peat seeking Blue Eagles sa pagtatapos ng eliminations.

Nag-ambag naman si Bryan Bagunas ng 23-puntos na kinabibilangan ng 20 hit at isang ace sa nasabing panalo ng Bulldogs.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nanguna naman sa Maroons na nalagay sa alanganin ang tsansang pumasok ng Final Four sa pagbagsak nito sa barahang 5-7, sina Wendell Miguel at John Mark Milete na kapwa nagtapos na may tig-17 puntos.

Sa isa pang laban, pinalakas naman ng University of Santo Tomas ang kanilang pag-asang makabalik ng Final Four round matapos magwagi sa isa ring 5-setter,28-30,25-23,25- 20,16-25,15-11.

Dahil sa panalo, umangat ang Tigers sa patas na markang 6-6, kapantay ng Far Eastern University sa ikatlong puwesto.

Nanguna sa nasabing panalo ng Tigers sina Manuel Medina at Jericho Jose na nagtala ng 15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod. (Marivic Awitan)