NOONG panahon ni ex-Pres. Joseph “Erap” Estrada, ‘lagi niyang sinasabi sa mga kritiko na bumabatikos sa kanyang pamamahala ang: “Mag-presidente muna kayo.” Ibig sabihin, ibinoto ako ng mga tao kaya bilib sila sa akin. Malaki ang kalamangan ni Erap laban kay ex-Speaker Jose de Venecia, Jr. na “anointed one” ni ex-Pres. Fidel V. Ramos. Ibinoto siya ng taumbayan noon sa kabila ng mga paninira sa kanya, na siya ay babaero, sugarol, artista lang at hindi angkop sa panguluhan.
Maging si Cardinal Sin na puno ng Simbahang Katoliko ay umapela sa sambayanang Pilipino na hindi karapat-dapat na ihalal si Erap na maraming asawa at bisyo. Pero iba ang mga botanteng Pinoy, pinili nila ang aktor kaysa kay JoeDV at sa iba pang kandidato noong 1998 elections.
Walang duda, napakapopular ni Erap sa masang Pilipino. Nasilo niya ang imahinasyon at nabitag ang simpatiya ng mamamayan sa kanyang political slogan na “Erap Para sa Mahirap.” Siya ang idolo at champion ng mararalitang tao.
Talagang napakapopular ni Erap noon at nagtamo ng pinakamalaking boto sa kasaysayan ng panguluhan. Nilampaso niya si JoeDV na “bata” ni Mr. Tabako, este FVR, sa kabila ng makinarya ng ruling party na Lakas-NUCD.
Gayunman, ang pagbilib at paghanga sa kanya ng mga Pinoy ay hindi nagtagal. Nakita ng taumbayan ang kanyang mga kamalian at kahinaan sa pamamahala. Siya’y hinainan ng impeachment complaint sa Kamara na apurahang ipinadala sa Senado. Bagamat hindi natapos ang impeachment trial, napatalsik si Erap na hanggang ngayon ay hindi umaamin sa kanyang umanong mga kasalanan. Sabi nga niya, maging si ex-Pres. Tita Cory ay humingi ng apology sa kanya sa hangaring mapatalsik siya.
Sana ay hindi mangyari ito kay President Rodrigo Duterte na sinampahan ng reklamong impeachment ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano. Napakapopular pa ni Mano Digong kung ang basehan ay surveys ng SWS at Pulse Asia. Naniniwala pa ang mga tao sa mga pangako ni candidate Duterte noon na: Sa loob ng 3-6 buwan, susugpuin ang illegal drugs. Bubunutin ang sungay ng kurapsiyon sa gobyerno. Wawakasan ang kriminalidad, tutuldukan ang Endo, at sisikaping makadapo ang “ibon ng kapayapaan” sa Mindanao at sa buong bansa.
Kapag may pumupuna sa kanya, lagi niyang sinasabi (tulad ni Erap) na siya’y ibinoto ng mga tao (16.6 milyon) sapagkat naniniwala sa kanyang plataporma-de-gobyerno, partikular ang giyera sa droga at pagpapatumba sa suspected drug dealers, pushers, users. Pero dapat isipin ng mahal na Pangulo na ang simpatiya at paniniwala ng mga tao kay candidate Duterte noon ay posibleng unti-unting mawala sa paglipas ng mga araw, lalo na sa isyu ng extrajudicial killings at human rights violations, na umano’y umiiral ngayon bunsod ng walang habas na pagpatay sa ordinaryong pusers at users subalit hinuhuli lang at pinapakawalan naman ang umano’y drug lords at shabu... suppliers.
Nagtatanong sila kung kailan itutumba ni Gen. Bato ang mga kilala, mayayaman at maiimpluwensiyang drug lord at shabu supplier. Nais nating ulitin, suportado ng publiko ang drug war ni Mano Digong. Iwasan lang ang EJKs at HRVs, at walang diskriminasyon sa pagtrato sa lahat ng drug personalities.
Siyanga pala, walang mangyayari sa isyu ng impeachment laban kina PDu30 at VP Leni. Pulitika lang ito. Ang dapat pagtuunan ay kung paano lulusog ang ekonomiya, matatamo ang kapayapaan at kaayusan, at magkakaroon ng trabaho ang mga Pilipino. Aagaw lang ang impeachment ng mahahalagang oras ng mga mambabatas na inihalal ng bayan para gumawa ng mga batas. (Bert de Guzman)