Ilang saksak at taga sa katawan ang ikinamatay ng isang lalaki na ang bangkay ay nadiskubre sa isang manhole sa Makati City, nitong Sabado.

Kinilala ang biktima na si Roger Pasilan, alyas “Bonbon”, 45, caretaker ng Megason Clinic, at residente ng No. 366 JP Rizal, Barangay Tejeros ng nasabing lungsod habang nasa kustodiya na ng Police Community Precinct (PCP) 1 ng Makati City Police ang itinuturong suspek na si Ricky Gomez y Rivera, 20, tubong Roxas, Isabela at nanunuluyan sa construction site barracks sa panulukan ng AP Reyes Avenue at Collantes Street, Bgy. Tejeros.

Sa inisyal na ulat na natanggap ni Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) chief Supt. Jenny Tecson, dakong 11:23 ng umaga nadiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng manhole sa AP Reyes, Bgy. Tejeros, Makati City.

Base sa imbestigasyon, nitong Biyernes ay nagtalo sina Pasilan at Gomez sa hindi batid na dahilan.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Sa gitna ng pagtatalo, kumuha umano ng itak ang galit na suspek at walang awang pinagtataga ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Bella Gamotea)