Upang makatulong sa pagpapaluwag ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila, partikular sa Ortigas Central Business District, bubuksan ng Inter-Agency on Traffic (I-ACT) sa mga pribadong motorista ang ilang kalsada sa Corinthian Gardens.
Ito ang inihayag ni I-ACT Deputy Chief Traffic Officer Manuel Gonzales, matapos payagan ng homeowners’ association ng naturang eksklusibong subdibisyon na buksan ang ilang kalsada nito para magamit ng mga pribadong motorista.
“Under the leadership of Metropolitan Manila Development Authority officer-in-charge Tim Orbos, we were able to lay down our plans and seek their cooperation,” sabi ni Gonzales.
Aniya, kapag nabuksan na ang ilang kalsada sa Ortigas Extension sa Pasig ay mabilis na ang magiging biyahe patungo at pabalik ng EDSA na aabutin na lang ng ilang minuto.
Nilinaw din ng I-ACT na may itinakdang requirements ang pamunuan ng Corinthian Gardens para na rin sa seguridad ng mga residente. - Bella Gamotea