CEBU CITY – Marami pang kawani at retirado ng gobyerno ang dumagsa sa sangay ng Land Bank of the Philippines (Landbank) sa Cebu City, para sabihing kabilang din sila sa mga nabiktima ng ATM skimming.
Dumadami pa ang mga lumalantad na biktima kasunod ng pagkakadakip sa tatlong Romanian na hinihinalang nagsagawa ng kumplikadong ATM hacking, na ayon sa mga opisyal ng banko ay nasa 2,000 account ang nakompromiso.
Sa una ay inimbitahan lang sina Lonup Alesandrou, Razvan Aurelian, at Cosal Ion ng National Bureau of Investigation (NBI)-Region 7 para tanungin kaugnay ng kuha ng CCTV camera ng sangay ng Landbank sa Barangay Banilad.
Naniniwala si City Councilor David Tumulak na may iba pang suspek na nasa likod ng serye ng ATM skimming sa Cebu.
Pinuno ng Committee on Public Order and Safety ng Sangguniang Panglungsod, kabilang si Tumulak sa mga nabiktima ng ATM skimming noong Agosto 2016. (Mars W. Mosqueda, Jr.)