Matapos ang sorpresang paglipat sa kanila ng mga dating Lyceum stars na sina Joseph Gabayni at Ian Alban, balitang nililigawan naman ngayon ng Arellano University Chiefs ang dating University of the East guard na Bonbon Batiller.

Matatandaang natanggal si Batiller sa roster ng Red Warriors noong nakaraang off-season dahil sa problema nito sa academics.

Dahil dito ay nagpasiya na lamang umuwi sa kanila ang 22-anyos na manlalaro mula sa General Santos City.

Mula naman noon ay kinontak na siya ng Arellano hanggang sa tuluyan itong mapahinuhod na magbalik sa Manila.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa kanyang pagbalik sa Manila, bumisita si Batiller sa Arellano at doon na umano nabuo ang pagkakaunawaan sa pagitan nila at ng pamunuan ng unibersidad para sa paglipat niya sa NCAA.

Bagamat wala pang pormal na pag-amin mula kay Arellano athletic director Peter Cayco, sinasabi ng ilang insider na ang tanging hinihintay na lamang ni Batiller ay ang clearance mula sa UE para tuluyan itong makalipat sa Arellano.

Sa kanyang dalawang taong paglalaro para sa Red Warriors, nakapagtala ang 5-foot-9 guard ng average na 10.5 puntos, 3.7 rebounds, 2.5 assists at 1.6 steals. - Marivic Awitan